Calendar
1 agaw-buhay sa umararong sasakyan sa Tondo
NASA bingit ng kamatayan ngayon ang lalaki matapos masalpok ng sasakyan na inararo pa ang mga nakaparadang sasakyan sa N. Zamora St., Tondo, Manila noong Miyerkules.
Nasa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang nakilalang si Ferrando Loteria at doon nakikipaglaban kay kamatayan.
Nahaharap ang driver na sangkot sa insidente sa kasong multiple road crash resulting in physical injury with damage to properties.
Base sa ulat ni Police Major Jaime Gonzalez ng Vehicular Investigation Traffic Section (VITS) ng Manila, sangkot ang Mitsubishi Adventure, Mitsubishi Montero at Morris Garage MG5 na minamaneho ng isang alyas Nicolas sa karambola.
Base sa kuha ng CCTV, binabaybay ng MG ang southbound ng N. Zamora St. at pagsapit sa panulukan ng Baltazar St., biglang sinalpok ang biktima habang naglalakad.
Tumilapon ang biktima at bumagsak sa kalsada.
Nagtuloy-tuloy ang kotse at binangga ang nakaparadang Mitsubishi Montero at bumangga sa likuran ng Mitsubishi Adventure.