Romero

1-PACMAN Party List iminungkahi ang pagtatatag ng Philippine Boxing and Combat Sports Commission

Mar Rodriguez Dec 8, 2022
234 Views

AMINADO ang 1-PACMAN Party List Group na peligroso ang Boxing at Combat Sports at ang ilang atleta nito ay naging kalunos-lunos ang sitwasyon sa buhay dahil sa kawalan ng suporta. Ang kanilang kapalaran ay hindi katulad ng suwerteng tinamasa ng tinaguriang “Pambansang Kamao” na si dating Sen. Manny “Pacman” Pacquiao.

Dahil dito, iminumungkahi ngayon ni 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero ang pagtatag ng Philippine Boxing and Combat Sports Commission na ang pangunahing tungkulin ay upang i-regulate ang pagsasagawa (conduct) ng boxing at combat sports.

Ang mungkahi ni Romero kaugnay sa pag-eestablisa ng Philippine Boxing and Combat Sports Commission ay nakapaloob sa House Bill No. 814 na isinulong nito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na naglalayong mapangalagaan ang mga atleta ng nasabing sports event.

Ipinaliwanag ni Romero na ang boxing at combat sports ay matatawag na “unique” kumpara sa ibang professional sports. Sapagkat sa oras na tumungtutong na sa loob ng ring ang isang atleta. Layunin nitong magbigay ng tinatawag na “physical harm” sa kalaban nito.

Bunsod nito, aminado ang kongresista na malaki ang posibilidad na masaktan ng husto ang isang atleta. Gayundin ang katunggali nito na maaaring mauwi sa pagkabalda, matinding pagkasugat o injury at pagkalawa ng kanilang career. Puwede rin aniyang mauwi sa kanilang kamatayan.

Gayunman, sinabi ni Romero na ang boxing ay umukit na sa puso ng bawat Pilipino at naitala na sa kasaysayan ng Pilipinas dahil sa mga karangalang naibigay ng mga dating sikat at champion Filipino bóxer tulad ng binansagang “Pambansang Kamao” (Manny Pacquiao).

Subalit binigyang diin ni Romero na ang naging kapalaran ng mga nasabing Filipino boxers ay hindi katulad ng ilang boksingero na matapos magbigay ng karangalan para sa bansa ay tuluyan ng nalimutan, napabayaan at walang nakukuhang suporta mula sa gobyerno.

Dahil dito, iminumungkahi ng mambabatas sa kaniyang HB No. 814 ang pagtatatag ng Philipine Boxing and Combat Sports Commission upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga atleta nito. Kabilang na ang pagkakaloob sa kanila ng mga benepisyo.

Sa ilalim ng panukala ni Romero, layunin nito na mabigyan ng social security benefit program, health insurance ng PhilHealth, Home Development Mutual Fund at PAGIBIG ang mga atelta ng boxing at combat sports. Kabilang na dito ang pagkakaloob ng medical care sa oras ng kanilang mga laban.