Romero1

1-PACMAN Party List inihain “Kabalikat sa Hanapbuhay Act” para tulungan mahihirap na pamilyang Pilipino

Mar Rodriguez May 22, 2023
146 Views

DETERMINADO ang 1-PACMAN Party List Group na sawatain ang kahirapan sa bansa matapos nitong isulong ang isang panukalang batas sa Kamara de Representantes para tulungan ang mga mahihirap na pamilyang Pilipino.

Sinabi ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., na isinulong nito ang House Bill No. 8008 o ang “Kabalikat sa Hanap Buhay Act” na naglalayong unti-unting maibsan ang matinding kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng kabuhayan sa mga mahihirap na mamamayan.

Ipinaliwanag ni Romero na hindi umano bastante ang pagbibigay lamang ng ayuda o tulong sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino. Bagkos ay kailangan silang bigyan ng hanapbuhay o pagkakakitaan. Kung saan, inilarawan ng mambabatas na dapat silang turuang mangisda sa halip bigyan lamang sila ng isda.

Ayon kay Romero, napakaloob din sa HB No. 8008 ang pagtulong sa mga mamamayang walang trabaho na nangangailangan ng tulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng diskuwento sa mga bayarin sa pagkuha nila ng tinatawag na “pre-employment documents” sa mga ahensiya ng gobyerno.

Ipinahayag pa ng kongresista na sinisikap ng 1-PACMAN Party List Group na maipasa ang nasabing panukalang batas na magbibigay ng malaking pakinabang para sa mga mahihirap na Pilipiino at sa mga walang trabaho.

Nauna rito, inihayag ni Romero, Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation na ipinasa na nila ang kanilang committee report at “substitute Bill” para sa limang panukalang batas na naglalayong tulungan ang mga Pilipinong indigent na naghahanap ng trabaho.

Sinabi Romero na noong March 28 ay inaprubahan at pumasa na sa kanilang Komite o committee level ang limang substitute Bill para sa House Bill Nos. 367, 2533, 3488, 3533 at 5792 na ang pangunahing layunin ay tulungan ang mga indigent Filipinos na naghahanap ng trabaho.

Ito’y sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng discount sa mga charges (fees) o sinisingil para sa mga kinukuha nilang “pre-employment” documents. Kabilang sa mga tinatawag na “pre-employment” documents ay kinabibilangan ng mga clearances mula sa barangay, Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang mga dokumento.