3 holdaper

1 sa 3 holdaper na may toy gun huli ng 2 sekyu

Edd Reyes Aug 22, 2024
25 Views

BarilNABULILYASO ang panghoholdap ng tatlong armadong lalaki na armado ng toy gun nang habulin at mahuli ang isa sa kanila ng dalawang guwardiya nang tumakas matapos makuha sa babaeng biktima ang bag na naglalaman ng mahahalagang gamit noong Miyerkules sa Paranaque City.

Matiyagang hinabol ng mga guwardiya sina alyas Mark at John ang tatlong suspek na tumakas sakay ng taxi (UVC-891) hanggang matiklo ang driver na si alyas Armando, 44, at nakatakas naman ang dalawa na sina alyas Kalapati at alyas Norby.

Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, dakong alas-3:00 ng hapon nang bumaba mula sa taxi ang dalawa sa tatlong suspek sa kanto ng Roxas Boulevard at Bradco Avenue, Brgy. Tambo nang maispatan ang 28-anyos na dalagang si alyas Archessa.

Tinutukan ng baril at nagdeklara ng holdap ang mga suspek sabay hablot sa bag ng biktima na may mahahalagang gamit at salapi pero nanlaban at nagsisigaw kaya nakatawag pansin sa dalawang sekyu ng kalapit na establisimyento.

Bago pa makalapit ang mga guwardiya, nakuha na ng mga suspek ang bag ng biktima at sumakay sa taxi ni Armando pero hinabol hanggang tuluyang maharang dakong alas-3:40 ng hapon sa tulong ni Pat. Jaymart Gillo ng Tambo Police Sub-Station ng Paranaque police.

Ayon kay BGen. Rosete, nabawi sa suspek ang bag ng biktima, pati na ang mahahalagang gamit at laruang caliber .45 pistol ang nakumpiska sa suspek.

Isinalang na sa inquest kaugnay sa kakaharaping kasong robbery at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa Paranaque City Prosecutor’s Office.