Spa Attacker

1 sa 4 na spa attacker sa QC nahuli

23 Views

NALAMBAT ng mga pulis ang isa sa apat na suspek na pinaniniwalaang sangkot sa pagpapasabog sa health spa noong Huwebes sa Quezon City.

Sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) Officer-in-Charge P/Col. Randy Glenn Silvio, na nahuli ang 24-anyos na suspek bandang alas-7:50 ng gabi noong Sabado ng mga miyembro ng Kamuning police station 10 at Valenzuela City police station.

Ayon sa report, negosyante ang naaresto at nagsilbing driver ng riding-in-tandem na umano’y naghagis ng granada sa White House Spa sa Brgy. Obrero, Quezon City.

Hinahanap ang tatlo pang kasabwat ng naarestong suspek.

Nadakip ang suspek matapos na makilala sa CCTV at masundan sa Valenzuela City at nakitang nagpalit ng damit at naglagay ng plaka ng motorsiklo.

Nakuha sa suspek ang motorsiklo, helmet, khaki camouflage jacket; black hoodie jacket at pares ng gray jogger pants na pinaniniwalaang gamit ng isa sa mga suspek.

Inihahanda na ng pulisya ang mga kasong arson sa ilalim ng RA 9516 (illegal possession of explosives) laban sa suspek.