1 utas, 4 sugatan sa nakawan sa QC

12 Views

TODAS ang 62-anyos na lalaking negosyante at sugatan ang tatlong miyembro ng kanyang pamilya at isang kapitbahay ng pasukin ng apat na kawatan ang kanilang bahay sa Quezon City noong Lunes.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang alas-6:30 ng umaga naganap ang pagnanakaw sa bahay ng mga biktima sa Brgy. Balingasa.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl Ghino Galit, unang pinasok ng mga suspek ang silid ng negosyante at ng kanyang misis saka tinutukan ng baril.

Narinig ng isang anak na babae ang ingay mula sa silid ng mga magulang na nasa ikalawang palapag kay pinuntahan ito ng anak pero kinaladkad din siya ng mga suspek sa loob ng silid.

Habang binubuksan ng mga suspek ang cabinet kung nasaan ang safety vault, sumaklolo ang dalawang anak ng mag-asawa at nilabanan ang mga suspek.

Dahil dito, kinaladkad ng isa sa mga suspek ang negosyante sa loob ng comfort room at iginapos saka binaril sa dibdib.

Narinig naman ng kapitbahay ang putok ng baril kaya pinuntahan ang bahay ng mga biktima at nang makita ang mga suspek nanlaban din ito pero binaril din siya ng isa sa mga kawatan.

Tumakas ang tatlong suspek gamit ang kanilang getaway vehicle na puting van habang sumakay ng pedicab ang isang kasama.

Isinugod ang mga biktima at kanilang kapitbahay sa isang ospital sa Quezon City ngunit idineklarang dead-on-arrival ang negosyante.

Sinabi ng pulisya na kinuha ng mga suspek ang tatlong cell phone at identification card mula sa mga biktima.