Tuli Ang 10-anyos na biktima na nasawi matapos magpatuli sa isang pekeng doktor sa isang lying-in clinic sa Balut, Tondo, Manila.

10-anyos nagpatuli sa lying-in clinic sa Tondo, patay

21 Views

NANANAWAGAN ng hustisya ang pamilya ng 10-taong-gulang na batang lalaki na nasawi matapos umano itong magpatuli sa isang pekeng doktor sa Balut, Tondo, Manila, noong nakaraang Sabado.

Kinilala ang biktima na si “Nitan” ng Balut, Tondo.

Lumalabas sa imbestigasyon na pekeng doktor umano ang nagtuli sa biktima sa loob ng isang lying-in clinic sa nasabing lugar.

Napag-alaman din na nakulong na ang nasabing doktor noong 2023 dahil sa kaso ng pagpapanggap at paggamit ng mga pekeng dokumento at license ng isang doktor at pag-isyu ng mga medical certificate.

Sinalakay noon ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Intelligence Unit ang lying-in sa nasabing lugar matapos makatanggap ng reklamo kaugnay sa isang babaeng senior citizen na nagpapanggap na doktor.

Ginagamit nito ang pangalan at lisensiya ng isang lehitimong doktor na nakatrabaho nito na may mahigit 20 taon na ang nakalipas.

Naaresto noon ang suspek na nagpanggap na midwife o komadrona pero nakapagpiyansa ito.

Subalit napag-alaman sa huli na hindi pala tumigil ang suspek sa kanyang mga maling gawain dahil patuloy pa rin siyang nagpapanggap na doktor na siyang nagtuli sa 10-taong-gulang na biktima na namatay.

Matagal ng walang permit ang suspek kung kaya’t inakalang matagal na siyang hindi nag-ooperate, ayon sa isang kagawad ng barangay.

“Noong walang request so ang alam namin hindi siya nag-ooperate. Ang alam namin ay licensed midwife siya, pero doktor hindi,” aniya.

Hinimok ng kagawad ang kanyang mga kabarangay na maging alisto at mapanuri kung may lisensiya ba o rehistrado ang mga manggagamot, o di kaya’y maiging pumunta sa mga ospital.

Ayon naman sa kuwento ng ina ng biktima, natuklasan niya ang isang online clinic dahil assistant doon ang isa niyang kakilala. Sinabi pa raw sa kanya na tatlo na ang natuli noong araw na iyon.

Sa halagang P1,200 na bayad ay napapayag ang ina ng biktima na doon na ipatuli ang kanyang anak.

Bago raw tuliin ay tinurukan ng anesthesia ang kanyang anak na nasa 20cc dosage ayon sa assistant ng clinic, subalit ilang minuto pa lamang ay napansin ng ina ng biktima na nanginginig na ang kanyang anak.

Ayon pa sa ina ng bitkima, napatagal pa ang anak nito sa loob ng clinic dahil sinabi raw ng doktor na normal lang daw iyon dahil groggy pa ang anak nito. Ganoon din ang sinabi ng assistant ng doktor.

Ngunit nakita ng ina na nangingitim na ang anak niya kaya agad na itinakbo ang biktima sa ospital.

Ayon sa salaysay ng ina, sinabi ng totoong doktor sa ospital na dead on arrival ang kanyang anak.

Matapos mangyari ang insidente ay dinala ang babaeng nagtuli sa Manila Police District (MPD) upang imbestigahan pero pinauwi rin ito kalaunan dahil kinakailangan pa muna ang autopsy ng bangkay ng bata.

Magsasagawa ng autopsy ang National Bureau of Investigation (NBI) sa labi ng biktima para malaman ang sanhi ng pagkamatay.