Tirador

10 lalaki kalaboso sa pagnenok ng cable wire

Edd Reyes Jun 6, 2025
18 Views

SWAK sa kulungan ang 10 sa 12 lalaki na natiklong nagpuputol ng cable wires na pag-aari ng telecommunication company sa Parañaque City noong Biyernes.

Kanya-kanyang pulasan ang mga kalalakihan ng mapansin ang paparating na mga pulis sa Brgy. Don Bosco dakong alas-3:30 ng madaling araw.

Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Joseph Arguelles, napansin ng mga operatiba ng Don Bosco Police Sub-Station ang pagparada ng van na may tatak ng delivery courier sa harap ng TCL Service Center sa France St. Brgy. Don Bosco habang ilang kalalakihan ang napansing nagpuputol ng kable sa manhole.

Ayon kay Arguelles, nakuha sa loob ng van ang putol-putol na malalaking kable, mga lagareng bakal, bareta-de-cabra, pambukas ng manhole at ang van na gamit ng mga suspek.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10515 (Anti-Cable Theft Law) ang mga naarestong suspek habang hinahanap pa ang dalawa nilang nakatakas na kasamahan.