10 sekyu na ‘di nagpapasok, pasok sa rehas

112 Views

KALABOSO ang 10 security guards matapos sapilitang okupahin ang isang establisimyento sa Quezon City at hindi papasukin maging ang presidente ng kumpanya noong Lunes.

Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na Nurfad, John Ray, Bon John, Hilme, Joseph, Glenn, Danilo, Richard, Mark Gil at Francisco.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-5:00 ng hapon nang puwersahang pumasok ang grupo sa compound ng Vibal Publishing House at kontrolin ang security post at hinarangan ang pagpasok ng sinuman sa lugar.

Napilitan ang pamunuan ng kumpanya na tumawag sa QC Helpline 122 upang humingi ng tulong sa pulisya.

Rumesponde ang mga operatiba ng La Loma Police Station (PS-1) at District Mobile Force Battalion (DMFB)-SWAT na nakipagnegosasyon sa mga guwardiya, ngunit hindi umano ito sinunod ng mga suspek.

Matapos ang ilang oras na pakikipag-usap, nabuksan din ng mga pulis ang gate ng establisimyento dakong alas-11:30 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Sa isinagawang body search, nakumpiska ang apat na .38 caliber revolver mula sa dalawang suspek na walang kaukulang dokumentol.

Nahaharap ang mga naarestong guwardiya sa kasong grave coercion, trespassing, usurpation of authority at disobedience to a person in authority at may dagdag na kaso ng illegal possession of firearms and ammunition ang dalawang suspek na nakuhanan ng baril.