100,000 sasakyan papayagang pumasada ng LTFRB

184 Views

PAPAYAGAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makakuha ng prangkisa ang may 100,000 sasakyan upang matugunan ang pangangailangan ng mga pasahero sa Metro Manila.

Ayon kay LTFRB chairman Atty. Teofilo Guadiz III ang mga sasakyan ay bibiyahe sa ilalim ng Grab Philippines.

Kung hindi pa rin umano ito makasasapat sa pangangailangan ng mga pasahero, sinabi ni Guadiz na posibleng dagdagan pa ito ng LTFRB.

Ang pahayag ni Guadiz ay bilang tugon sa “investment pledge” ng Grab kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na lumikha ng 500,000 trabaho.

“500,000 new jobs with the creation of 100,000 motor vehicles both in 4-wheeled and the motorcycle taxi. But 100,000 is the initial, hindi naman natin bibiglain lahat ‘yan to prevent saturation in the market,” ani Guadiz.

“So initially, 100,000 and increasing further in 3-months’ time. We may increase the number until such time that the number of TNVS matches the needs of the riding public…” dagdag pa ng LTFRB chairman.

Pinag-aaralan din ng LTFRB ang pagbibigay ng mga bagong prangkisa sa mga sasakyan na bibiyahe sa lungsod ng Bacolod, Iloilo, Cebu, at Davao.

Maglalabas aniya ang ahensya ng dalawang memorandum circular na naglalaman ng panuntunan at iba pang kwalipikasyon para sa mga tsuper.

“Normal qualifications lang naman ‘yon. Una, Professional Driver’s License at pangalawa, seminar of 15-hours. The seminar is more on road safety to ensure that there would be minimal accident on the road especially motorcycle taxi,” saad ni Guadiz.

Naniniwala aniya ang LTFRB na ang pagbibigay ng prangkisa na ito ay makatutulong para mabigyan ng mas malawak na serbisyo ang publiko.