BBM Drone shot ng mga dumalo sa UniTeam BBM-SARA tandem Proclamation Rally sa Sultan Kudarat. Litrato mula Lakas-CMD

100,000 suporters dumagsa sa UniTeam rally sa Mindanao

266 Views

DUMAGSA ang nasa 100,000 katao na sumusuporta kina UniTeam standard-bearer Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at running mate nitong si Davao City Mayor Sara Duterte sa kanilang mga campaign rally sa Mindanao.

Hindi natinag ng ulan ang mga suporter na hindi umalis para mapakinggan ang sasabihin ng mga kandidato.

Ang rally sa Sultan Kudarat ay inorganisa ni Gov. Suharto Mangudadatu, samantalang ang misis naman nitong si Gov. Bai Mariam Mangudadatu ang nasa likod ng rally sa Maguindanao.

“Sa pagkakaisa ng lalawigan ng Sultan Kudarat at ng buong bansang Pilipinas, mga kababayan, ikinagagalak ko pong ipakilala, ang susunod na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.,” sabi ni Gov. Suharto.

Nagpasalamat sina Marcos at Duterte sa mag-asawang Mangudadatu at sa mga dumalo sa kanilang mga rally.

“Magandang gabi po sa inyong lahat, at maraming, maraming, maraming salamat po sa inyong mainit na pagsalubong na ibinigay ninyo sa amin. Sana po kung makita ninyo ang mga ilaw na nagkalat dito ngayon, dito sa lugar natin, nakikita at siguro naman makikita na ang Sultan Kudarat ay buo ang pagsuporta sa UniTeam at sa panawagan ng pagkakaisa,” sabi ni Marcos.

Nagpasalamat naman si Duterte sa pagkakataon na ibinigay sa kanya upang makasama, makilala, at makapagbigay ng mensahe ng pagkakaisa sa kanilang mga suporter.

Ang rally ng UniTeam rally sa Central Mindanao ang itinuturing na pinakamalaking pagtitipon ng mga suporter para sa paparating na halalan.

Dinumog din ng mga suporter ang rally ng UniTeam sa Carmen, North Cotabato na inorganisa nina Vice Gov. Lala Taliño-Mendoza at kanyang mister na si Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) party-list Rep. Democrito Mendoza.