Waray2

100,000 Waray dumagsa sa campaign rally para suportahan PBBM, kandidato ng Alyansa

21 Views

ANG pagdagsa ng nasa 100,000 Waray sa campaign rally sa Tacloban City noong Biyernes ay pagpapakita ng suporta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa mga kandidato sa pagkasenador ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.

Iginiit naman ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, isang anak ng Leyte at pangunahing kaalyado ni Pangulong Marcos, ang kahalagahan ng panalo ng mga kandidato ng Alyansa upang magpatuloy ang mga reporma ng administrasyon.

“Ang pagkakaisang ipinakita ng ating mga kababayan dito sa Eastern Visayas ay patunay na buo ang suporta natin sa liderato ni Pangulong Marcos. Hindi lang ito isang rally—ito ay isang paninindigan na ipagpapatuloy natin ang mga repormang magpapalakas sa ating ekonomiya at magbibigay ng mas magandang kinabukasan para sa bawat Pilipino,” ani Speaker Romualdez na tumayong host ng Alyansa rally sa Tacloban City kasama ang Tingog Party-list na pinamumunuan nina Reps. Yedda K. Romualdez at Jude Acidre.

Ang malaking pagtitipon, na dinaluhan ng mga pangunahing lider na may hawak ng mga pambansa at lokal na posisyon ay nagpakita ng pagkakaisa ng mga Waray-speaking province sa grupo ni Pangulong Marcos.

Isa rin itong pagpapakita na totoo na ang Eastern Visayas ay balwarte ng mga Romualdez at Marcos.

Kabilang sa mga kandidato ng Alyansa sina House Deputy Majority Leader for Communications at dating Social Welfare and Development Sec. Erwin Tulfo ng ACT-CIS, dating Interior Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senator Ramon Bong Revilla, Senator Pia Cayetano, former Senator Panfilo “Ping” Lacson, Senator Lito Lapid, Senator Imee Marcos, dating Senator Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senator Francis “Tol” Tolentino, at Deputy Speaker Camille Villar.

Hinimok din ni Speaker Romualdez ang mga botante na suportahan ang mga kandidato sa pagka-senador ng administrasyon na magiging kaagapay ng Pangulo sa pagpapabilis ng kaunlaran ng bansa.

“Ang mga kandidatong ito ay maaasahang magpapatuloy ng reporma ni Pangulong Marcos. Ang boto natin para sa kanila ay boto para sa mas maraming trabaho, mas magandang edukasyon, at mas maayos na serbisyong pampubliko,” dagdag pa niya.

Ang matibay na suporta ng mga Waray sa mga kandidato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ay sumasalamin sa kanilang hindi natitinag na tiwala sa pamumuno ng administrasyon at sa adhikain nitong bumuo ng isang mas matatag at mas maunlad na Pilipinas.

Nagpa-abot naman ng taus-pusong pasasalamat si House Committee on Overseas Workers Affairs chairman Jude A. Acidre sa mga Taclobanon at Leyteño sa kanilang pagpapakita ng suporta sa Pangulo at mga senatorial candidate ng Alyansa.

“We thank our kababayan here in Tacloban and Leyte for the huge attendance in the Alyansa grand rally on Friday,” ani Acidre.

“Tulungan natin na magkaroon ng mga katuwang sa Senado si Pangulong Bongbong Marcos para ganap nating matupad ang kanyang hinaing para sa isang Bagong Pilipinas, isang bansa kung saan walang isang Pilipinong maiiwan, kung saan tayong lahat ay nagtutulungan at kung saan abot kamay natin ang isa mas maliwanag na kinabukasan,” dagdag pa nito.

Sa pagtaya ng Tacloban City Police umaabot sa 100,000 katao ang dumalo sa nasabing rally.

Kumpiyansa si Acidre, na ang malaking bilang ng dumalo ay patunay ng malawak na suporta kay Pangulong BBM at Speaker Romualdez sa Tacloban, Leyte, at buong Eastern Visayas ay magbibigay ng malaking panalo sa mga kandidato ng Alyansa.

“After all, we consider the President as one of our own. His mother, former First Lady Imelda Romualdez Marcos, and the Romualdezes are from Leyte,” saad ni Acidre. “We are committed to a large majority of the votes in Leyte to the President’s candidates.”

Batay sa liham ni Tacloban City Police Director Col. Noelito Getigan kay Tingog Party-list President Glenn Jaro Capucion, tinatayang nasa 100,000 katao ang dumalo sa grand rally noong Marso 14, 2025.