Martin Speaker Ferdinand Martin Romualdez

100,000 Waray nagpakita ng suporta sa mga kandidato ni PBBM

Mar Rodriguez Mar 15, 2025
25 Views

SA isang malawak na pagpapakita ng suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at kanyang isinusulong na Bagong Pilipinas, mahigit 100,000 Waray ang nagtipon-tipon sa Tacloban City para sa grand rally ng mga kandidato sa pagkasenador ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.

Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez—isang tapat na anak ng Leyte at matibay na kaalyado ni Pangulo Marcos—ang makasaysayang kaganapan at pinuri ang napakalawak na suporta ng mga Waray sa mga kandidato ni Pangulong Marcos Jr.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng darating na halalan sa pagpapatuloy ng mga repormang pang-ekonomiya at panlipunan ng administrasyon.

“Ang pagkakaisang ipinakita ng ating mga kababayan dito sa Eastern Visayas ay patunay na buo ang suporta natin sa liderato ni Pangulong Marcos. Hindi lang ito isang rally—ito ay isang paninindigan na ipagpapatuloy natin ang mga repormang magpapalakas sa ating ekonomiya at magbibigay ng mas magandang kinabukasan para sa bawat Pilipino,” ani Speaker Romualdez.

Ang malaking pagtitipon, na dinaluhan ng mga pangunahing lider na may hawak ng mga pambansa at lokal na posisyon, ay nagpakita ng pagkakaisa ng mga Waray-speaking province sa grupo ni Pangulong Marcos.

Isa rin umano itong pagpapakita na totoo na ang Eastern Visayas ay balwarte ng mga Romualdez at Marcos.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang mga prayoridad ng administrasyon, kabilang ang pagtatayo ng mga mahahalagang imprastraktura, pagpapatatag ng ekonomiya, at mga programang pangkawanggawa na direktang pinakikinabangan ng rehiyon.

Hinimok din niya ang mga botante na suportahan ang mga kandidato sa pagka-senador ng administrasyon na magiging kaagapay ng Pangulo sa pagpapabilis ng kaunlaran ng bansa.

“Ang mga kandidatong ito ay maaasahang magpapatuloy ng reporma ni Pangulong Marcos. Ang boto natin para sa kanila ay boto para sa mas maraming trabaho, mas magandang edukasyon, at mas maayos na serbisyong pampubliko,” dagdag pa niya.

Ang matibay na suporta ng mga Waray sa mga kandidato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ay sumasalamin sa kanilang hindi natitinag na tiwala sa pamumuno ng administrasyon at sa adhikain nitong bumuo ng isang mas matatag at mas maunlad na Pilipinas.