Calendar
$10B pamumuhunan, kooperasyon target ni Marcos sa Vietnam trip
BIYAHENG Vietnam si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Enero 29 hanggang 30.
Sa pre-departure briefing sa Malakanyang, sinabi ni Assistant Secretary Aileen Mendiola-Rau ng office of the Asian and Pacific Affairs na magkakaroon ng bilateral meeting sina Pangulong Marcos at Vietnam President Vo Van Thuong.
Inaasahang tatalakayin ng dalawang lider ang maritime issues.
Tatalakayin din ang iba’t-ibang usapin kabilang na ang malalim na kooperasyon ng dalawang bansa kasama ang pagtataguyod sa pamumuhunan at kalakalan.
Pag-uusapan din ng dalawang lider ang kooperasyon sa defense and security, maritime, at agrikultura.
Tatalakayin din ang kasunduan ng pag-angkat ng bigas ng Pilipinas sa Vietnam.
Ayon kay Rau, kilala ang Vietnam bilang matagal nang supporter ng bansa pagdating sa rice requirements.
Sinabi naman ni Department of Foreign Affairs spokesman Ambassador Teresita Daza na layunin ng dalawang araw na state visit ni Pangulong Marcos na palakasin pa ang bilateral relations ng dalawang bansa, kakausapin din ni Pangulong Marcos ang mga negosyante sa Vietnam at hihimukin na mamuhunan sa Pilipinas.
Target na makapagtakda ng $10 bilyong na halaga ng pamumuhunan at kooperasyon ang Pilipinas at Vietnam para sa susunod na mga taon.
Mayroon ding nakalinyang pakikipagkita si Pangulong Marcos sa Filipino community.
Nasa 7,000 Filipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Vietnam. Karamihan ay pawang mga professionals.