PBBM Si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kasama ang magsasaka sa Central Mindanao na binigyan niya ng CoCROMs.

11,709 ARBs nakatanggap ng CoCROM mula kay PBBM

Chona Yu Dec 7, 2024
75 Views

AABOT sa halos P1 bilyong utang ng mga magsasaka sa pamahalaan ang binura ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ay matapos gawaran ni Pangulong Marcos ng 13,527 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CoCROMs) ang 11,709 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Sarangani, Cotabato, South Cotabato, at Sultan Kudarat.

Sakop nito ang mga loans, interests, at surcharges.

“Ang araw na ito ay katuparan ng hangaring yan. Kami ay narito upang mamahagi ng mga e-titles, CLOA at Certificate of Condonation with Release of Mortgage o iyong tinatawag na COCROM ,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Sa araw na ito, mamimigay po tayo ng 1,251 titulo ng lupa para sa ating mga benepisyaryo rito sa Sarangani. Bukod pa rito, mamamahagi rin tayo ngayon ng mahigit labing-tatlong libo at limang-daang COCROM sa mahigit labing-isang libo at pitong raang benepisyaryo mula sa mga lalawigan ng Sarangani, Cotabato, South Cotabato, at Sultan Kudarat ,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Pangako ni Pangulong Marcos, hindi pababayaan ang mga magsasaka sa bansa.

“Sa madaling sabi, mapapa-walang bisa ang halos isang bilyong pisong utang, kasama ang amortisasyon, interes, at surcharges, ng ating mga magsasaka.”

“Sa Bagong Pilipinas pangarap natin na sama-sama nating aabutin ang mas magandang kinabukasan, matatag na agrikultura, at mas maunlad na ekonomiya,” dagdag ni Pangulong Marcos.