12-anyos pwedeng magpakilla na 18 sa socmed? Bakit?–Tulfo

129 Views

PAANO mapipigilan ang isang 12-anyos na magdeklara sa social media na 18 na siya?

Ito ang problemang binusisi sa Senado habang tinatalakay ang Senate Bill No. 2424 na naglalayong paghigpitan ang social media access ng mga batang wala pang 16 anyos.

Ibinato ni Sen. Erwin Tulfo ang tanong kay Sen. Robinhood Padilla, sponsor ng panukala, matapos niyang kuwestiyunin kung paano matitiyak ng social media platforms ang tunay na edad ng isang user kung self-declared lamang ang inilalagay sa account.

Sinabi ni Padilla na sa kasalukuyang setup, maaaring ilagay ng isang user ang edad na gusto niyang ideklara.

“Kasi ngayon ang ginagawa ng Meta parang sasabihin lang sa iyo, tama po kayo, sabihin anong edad, lalagay mo lang doon kung anong gusto mong edad,” ani Padilla.

Ayon kay Padilla, kabilang sa mga pinag-aaralang paraan ang mas mahigpit na age verification, kabilang ang paghingi ng identification, basta hindi lalabag sa Data Privacy Act.

Tinalakay din ng mga senador ang posibilidad na palakasin ang enforcement authority ng Department of Information and Communications Technology (DICT) upang mapabilis ang aksyon sa mga account na maaaring saklawin ng panukala.

Nauna ring tinanong ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III kung dapat magkaroon ng palugit para sa kasalukuyang accounts ng mga batang wala pang 16 anyos bago ito i-delete, i-restrict o i-disable kung maisasabatas ang panukala.

Binanggit ni Sotto ang posibleng dalawang linggo hanggang maximum na 60 araw bilang maaaring pag-aralan sa period of amendments.

Sinabi ni Padilla na ang unang intensyon ng panukala ay sundan ang ilang bansang agad nagkansela ng accounts ng mga batang hindi pasok sa itinakdang edad, ngunit bukas siyang tanggapin ang mungkahing magkaroon ng transition period.