DSWD SELFIE, GROUPIE–Nakipag-groufie si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. kasama sina Mayor Arvin C. Salonga at Vice Mayor Julie E. Maxwell sa mga benepisyaryo ng tulong galing sa gobyerno sa mga kapus-palad sa Nueva Ecija.

12K residente ng Ecija nakatanggap ng P24M ayuda mula sa DSWD

Steve A. Gosuico Aug 17, 2024
101 Views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija–Dumayo ang karamihan ng supporters ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Nueva Ecija noong Biyernes para mamigay ng P24 milyong tulong sa 12,000 residente galing sa Department of Social Welfare and Development na tinatawag na Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Sa bayang ito huling huminto ang grupo at tinanggap sila ni Mayor Arvin C. Salonga, Vice Mayor Julie E. Maxwell at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.

Pinangunahan ng senador ang pamamahagi ng tig-P2,000 sa humigit-kumulang 2,450 indigent beneficiaries, ayon kay municipal social welfare and development officer Chariety Mae A. Baynosa.

Iginiit ng senador ang panawagan para sa pagbuo ng pambansang plano laban sa pagbaha na isinusulong din ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bunsod na naganap na pagbaha sa Luzon noong nakaraang buwan.

“Yung problema sa flooding, iyan ang tinatrabaho din natin ngayon. Ang inaayos natin dyan ang masterplan dahil iyon ang wala at iyon ang pinapa-fastbreak natin at ng mahal na Pangulong Bongbong,” saad ni Revilla.

Sinamahan ni Mayor Salonga si Revilla at ipinakita sa kanya ang ilan sa kanyang natapos na proyekto sa bayan kabilang ang P25-million Buliran road, isa pang P25-million road sa Bgy. Sto.Cristo, dalawang P5-million road projects sa Sta. Barbara at San Mariano at P3-million multipurpose hall sa Maugat.

Biyernes ng umaga nasa Cabanatuan City ang grupo at namigay ng AICS payout na P2,000 bawat isa sa 2,500 benepisyaryo.

Pagkatapos noon, tumungo ang grupo sa Gapan City at namahagi ng tig-P2,000 para 2,500 na benepisyaryo.

Pumunta din ang entourage sa San Isidro at nagbigay ng AICS na nagkakahalaga ng P2,000 bawat isa sa 2,000 benepisyaryo.