Sunog

13 kabahayan natupok sa 2 sunog sa Valenzuela

Edd Reyes Mar 30, 2026
86 Views

DALAWANG magkasunod na sunog na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng 19 na pamilya ang sumiklab Linggo ng gabi at Lunes ng madaling araw sa Valenzuela City.

Unang tinupok ng apoy ang may 13 kabahayan dakong alas-9:51 Linggo ng gabi sa hindi pa batid na dahilan sa Samaca Compound, Barangay Bagbaguin na umabot sa ikalawang alarma bago tuluyang naapula ala-10:13 ng gabi.

Pansamantalang dinala ang 19 na apektadong pamilya sa Covered Court ng Brgy. Bagbaguin kung saan sila pinadalhan ni Mayor Wes Gatchalian ng mainit na pagkain at mga pangunahing pangangailangan.

Pasado alas-12:00 ng hatinggabi ng Lunes nang sumiklab naman ang sunog sa karinderya sa unang palapag ng isang bahay sa Alarcon St. Barangay Maysan na nagmula umano sa paglaki ng apoy sa nakasinding super kalan.

Itinaas lang sa unang alarma ang sunog na tuluyang tumupok sa dalawang palapag na bahay na tinitirhan ng anim na katao bago naapula ng ala-1:17 ng madaling araw.

Walang iniulat na nasawi o nasugatan sa dalawang magkasunod na sunog na tumupok din sa nakaparadang sasakyan sa harapan ng karinderya at harapang bahagi ng katabing motorsiklo.