Bagyo

14 bagyo pa dadating sa Pinas hanggang Disyembre

93 Views

AABUTIN pa ng 14 na bagyo ang mararanasan ng ating bansa mula ngayong pagtatapos ng Agosto hanggang sa matapos ang buwan ng Disyembre ngayong taong kasalukuyan.

Bunga nito, sinabi ni Joey Figuracion, ng Climate Monitoring and Prediction ng PAGASA, na dapat maging handa at mag-ingat ang mamamayan laluna sa Metro Manila dahil ang dalang ulan sa panahon ng La Nina ay mas doble ang dami kaysa sa karaniwang ulan.

Anya sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre mararamdaman ang mas maraming bagyo dahil karaniwang pumapasok ang mula dalawa hanggang tatlong bagyo sa naturang mga buwan.

Nilinaw naman ni Figuracion na mas matindi ang nararanasang pag ulan sa ngayon dulot naman ng epekto ng habagat.

“Noong panahon ni Carina ay ang habagat ang nagpalakas dyan kaya matindi ang ulan. Sa Northern Part ng Metro Manila sa Camanava area ay naging mas matindi ang bumagsak na ulan diyan dahil yung hangin naman ay nag force-up sa may Norte at sa pagtaas ng hangin ay nahigop nito ang kulumpon ng ulap sa bahaging yan kayat sa pagbagsak ng ulan ay mas madami kaya hindi makapaniwala ang ilan na may mga subdivision na datiy hindi binabaha, pero noong kay bagyong Carina ay marami ang binaha “ paliwanag ni Figuracion.

Sinabi pa ni Figuracion na ibat iba ang nararanasang epekto ng bagyo na may dalang mga pag ulan sa ibat ibang lugar depende sa location.Mas palagian anyang nakakaranas ng ulan ang mga lugar na malapit sa kabundukan tulad sa Bulacan.

Ngayong linggong ito ay wala pa namang namomonitor na bagong bagyo ang Pagasa.