Calendar
1,500 benepisyaryo nakinabang sa Lab for All ni FL Liza Marcos sa Pasig
AABOT sa 1,500 beneficiaries ang nakinabang sa Lab for All project ni First Lady Liza Marcos sa Pasig City.
Mismong sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at First Lady Marcos ang nangasiwa sa libreng medical at iba pang government services.
Nagpapasalamat si Pangulong Marcos sa proyekto ni First Lady Marcos dahil naidudugtong nito ang puwang sa healthcare system sa bansa lalot binubuo ito ng 7,063 Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs).
“Sa mga lugar na ito, isang malaking hamon ang pagpunta sa clinic, health center, o ospital o sa health center dahil napakalayo at napakalaking bagay,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Kaya po, ang aming naiisip ay imbes na antayin natin ang mga nagkakaroon ng karamdaman na makapunta sa mga ospital, dadalhin po natin sa kanila ang serbisyo para mayroon silang healthcare kahit sa malalayo,” dagdag ng Pangulo.
Nabatid na mula nang umpisahan ang Lab for All project, nakapagbigay na ito ng libreng medikal sa 35 lugar sa bansa.
“Sinisiguro namin na marami pang mga komunidad sa bawat siyudad at probinsya ang mabibista ng LAB for ALL. Kung saan mayroong Pilipinong nangangailangan, pagsusumikapan natin na ang inyong pamahalaan ay maabutan ng serbisyong ito,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Bukod sa medical services, alok din sa Lab for All ang scholarship grants ng Commission on Higher Education (CHED).