Calendar

150K estudyante sa Batangas pinaglaanan ng allowance ni Rep. Leviste
MATAPOS igiit na dapat bigyan ng allowance ang bawat estudyanteng Pilipino, pinatunayan ni Congressman Leandro Legarda Leviste ang kanyang paninindigan sa pamamagitan ng personal na paglalaan ng ₱1,000 na allowance para sa mahigit 150,000 estudyante sa Unang Distrito ng Batangas.
Sa pamamagitan ng kanyang Lingkod Legarda Leviste Foundation, namahagi si Leviste ng allowance sa mga paaralang elementarya at sekondarya sa mga bayan ng Nasugbu, Lian, Calatagan, Tuy, at Balayan noong Hulyo 11, 2025. May nakatakda ring pamamahagi sa mga bayan ng Calaca, Lemery, at Taal. Layunin ni Leviste na matapos ang pamimigay ng allowance sa lahat ng estudyante sa Unang Distrito ng Batangas bago matapos ang buwan — nang walang gastos mula sa gobyerno.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng paghahain ni Leviste ng House Bill No. 27, na naglalayong lumikha ng isang National Student Allowance Program upang bigyan ng ₱1,000 allowance ang bawat estudyanteng Pilipino — mula kindergarten hanggang kolehiyo — upang matulungan silang matustusan ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, pamasahe, at gamit sa paaralan, kapalit ng pagtupad sa minimum na attendance requirement. Bagaman may suporta ang panukala, nangangailangan ito ng sapat na pondo sa harap ng maraming prayoridad ng pamahalaan.
Personal na pinondohan ni Leviste ang allowance sa kanyang distrito upang patunayan na ang pagbibigay ng allowance sa mga estudyante ay isang makabuluhang pamumuhunan para sa gobyerno. Naniniwala siyang makatutulong ito upang mapabuti ang pagganap ng mga estudyante, mabawasan ang kahirapan, at mapaunlad ang pangmatagalang kakayahang makipagsabayan ng bansa. Dagdag pa ni Leviste, ang direktang pagbibigay ng tulong sa mga estudyante ay mas episyente, patas, at may mas malawak na epekto kumpara sa ibang proyekto ng gobyerno, kaya ito na rin ang naging pokus ng kanyang mga makataong inisyatibo.
Sa paglulunsad ng programa sa iba’t ibang paaralan sa Nasugbu, Lian, Calatagan, Tuy, at Balayan, binigyang-diin ni Leviste ang katotohanang maraming estudyante ang kailangang bumiyahe ng malayo mula sa kanilang mga rural na barangay upang makapasok sa paaralan.
“Sa ibang bansa, may libreng pagkain at pamasahe na para sa mga estudyante. Mas kailangan ito ng mga bata sa mga lugar na wala niyan,” ani Leviste.
“Ang paggasta para sa edukasyon ay isang pamumuhunan para sa kinabukasan ng bansa. Sa pagbibigay ng allowance na naka-base sa attendance, natitiyak na ang pondo ay direktang napapakinabangan ng mga estudyante. Umaasa akong ang matagumpay na pagpapatupad nito sa Batangas ay magsisilbing patunay para maipatupad ito sa buong bansa,” dagdag pa niya.
“Hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa panggastos sa pagkain, pamasahe, o gamit sa paaralan para sa sinumang batang nais mag-aral. Biniyayaan ako ng swerte sa buhay, at ngayon ay nais kong ibahagi ito upang makatulong sa mga suliranin sa sektor ng edukasyon,” pahayag ni Leviste.
Si Leviste, ang pinakabatang bilyonaryong negosyante sa bansa, ay tumutok na sa paglilingkod-bayan noong 2024 matapos ibenta ang kontrol sa Solar Philippines New Energy Corporation sa Meralco sa halagang ₱34 bilyon. Ngayon bilang mambabatas, tutok siya sa pagpapalakas ng mga programang pang-edukasyon upang matigil ang siklo ng kahirapan sa Pilipinas.