173 panukala natapos ng Kamara

140 Views

UMABOT sa 173 panukalang batas ang naaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa bago nag-adjourn ang sesyon para sa Christmas break.

Sa ulat na isinumite ni House Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe kay Speaker Martin G. Romualdez sinabi nito na umabot sa 7,402 ang mga panukala, resolusyon, at committee report na naihain mula Hulyo 25 hanggang Disyembre 15.

Sa bilang na ito, sinabi ni Dalipe na 1,150 panukala at resolusyon ang naproseso sa loob ng 41 session days.

Bukod sa mga naipasa sa ikatlong pagbasa, sinabi ni Dalipe na mayroong 21 panukala na naipasa sa ikalawang pagbasa at 43 resolusyon naman ang pinagtibay kasama na rito ang House Concurrent Resolution No. 2, na sumusuporta sa 2022-2028 Medium Term Fiscal Framework ng administrasyong Marcos.

“The focused and compassionate leadership of Speaker Martin G. Romualdez and the teamwork and cooperation of our colleagues helped the House of Representatives in pushing the Malacañang’s legislative agenda,” sabi ni Dalipe.

Pinuri rin ni Dalipe ang masisipag na mga opisyal at empleyado ng Kamara na tumulong sa liderato upang maisulong ang mga prayoridad na panukala.

Kahit na walang sesyon ang plenaryo hanggang sa Enero 23, pinayagan naman ng liderato ng Kamara na magsagawa ng pagdinig ang mga komite.