Martin

18 sa 20 LEDAC bills aprub na sa Kamara—Speaker Romualdez

208 Views

INIULAT ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na naaprubahan na ng Kamara de Representantes ang 18 sa 20 panukala na prayoridad na maipasa ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Ayon kay Speaker Romualdez mas maaga ng tatlong buwan sa deadline natapos ng Kamara ang mga panukala na tinukoy na bibigyang prayoridad na maisabatas sa pagpupulong ng LEDAC noong Hulyo 5.

Iprenisinta ni Romualdez, lider ng Kamara na may 311 miyembro ang ulat nito kaugnay ng mga naipasang panukala sa isang pagpupulong sa Malacañang umaga ng Miyerkoles, Setyembre 20.

“Today, I am pleased to announce that 18 out of these 20 have already been approved by the House of Representatives on Third and Final Reading. We are on track to approve the two remaining measures before the October recess,” ani Speaker Romualdez.

“In sum, the House of Representatives will meet its commitment to approve all 20 priority measures by the end of September, or three months ahead of target,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Ang mga LEDAC priority bills na naipasa na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ay ang:

1. Amyenda sa Build-Operate-Transfer (BOT)/Public-Private Partnership (PPP) Act,
2. National Disease Prevention Management Authority/Center for Disease Control and Prevention,
3. Internet Transaction Act/ E-Commerce Law,
4. Health Emergency Auxiliary Reinforcement Team (HEART) Act,
5. Virology Institute of the Philippines,
6. National Citizens Service Training (NCST) Program,
7. Valuation Reform Bill (Package 3),
8. E-Governance Act/ E-Government Act,
9. Ease of Paying Taxes,
10. Waste-to-Energy Bill,
11. New Philippine Passport Act,
12. Magna Carta of Seafarers,
13. Rightsizing the National Government,
14. Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), at
15. Amendment to the Bank Secrecy Law.

Ang Trabaho Para sa Bayan (National Employment Recovery Strategy) ay naipadala na sa Malacañang para sa lagda ng Pangulo samantalang ang Automatic Income Classification Act for Local Government Units ay isusumite na rin sa Palasyo.

Ang Philippine Salt Industry Development Act ay nakasalang na sa bicameral conference committee.

Ang dalawang nalalabi na kailangang ipasa ng Kamara—ang HB 8969,o ang Military and Uniformed Personnel Pension System Act, ay naaprubahan na sa ikalawang pagbasa noong Martes at isasalang sa botohan sa susunod na linggo.

Ngayong araw ay inaprubahan na ng Committee on Agriculture and Food ang panukala na mag-aamyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Act at isasalang sa plenaryo ng Kamara bago matapos ang linggo.

Iniulat din ni Speaker Romualdez na nakasalang na sa plenaryo ng Kamara ang panukalang P5.768 trilyong budget para sa susunod na taon.

“The House commits to exert all efforts to continuously deliberate on the GAB to meet its target passage on third and final reading by next week, Wednesday, September 27, 2023,” ani Speaker Romualdez.

“These accomplishments are made possible, of course, through the hard work and commitment of the Members of the House, as well as the cooperation of the Executive,” dagdag pa nito.

Samantala, sinabi ni Speaker Romualdez na naaprubahan na ng Kamara ang pito sa 17 panukala na binanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA).

Ang dalawa ay nakasalang na sa ikalawang pagbasa samantalang ang nalalabing walo ay nakasalang naman sa iba’t ibang komite.

“We are confident of meeting our self-imposed target of having all these measures approved before we go on our Christmas break,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Sa pito na natapos na ng Kamara, ang isa– Automatic Income Classification Act for Local Government Units ay naratipika na.

Ang anim na iba pang naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa ay ang Excise Tax on Single-Use Plastics, VAT on Digital Services, amyenda sa Fisheries Code, Anti-Financial Accounts Scamming Act (AFASA), Ease of Paying Taxes, at Philippine Immigration Act.

Noong Martes ay inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ang Unified System of Separation, Retirement, Pension for Military and Uniformed Personnel (MUP) at ang Rationalization of Mining Fiscal Regime.

Ang amyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Act na inaprubahan na ng Agriculture and Food committee ngayong Miyerkoles ay inaasahang isasalang naman sa plenaryo.

Ang nalalabing panukala na nakasalang sa mga komite ay ang: 

– Department of Water Resources and Services and Creation of Water Regulatory Commission,
– Motor Vehicle User’s Charge/Road User’s Tax,
– Tatak-Pinoy (Proudly Filipino) Act,
– Blue Economy Law
– New Government Procurement Law,
– amyenda sa Cooperative Code, at
– New Government Auditing Code.

Sinabi ni Romualdez na noong nakaraang taon ay naproseso ng Kamara ang 1,150 panukala at resolusyon at naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang 173 panukala.

“We did this in less than six months or just barely 41 session days. This year, we hope to exceed this output or at least match the intensity,” dagdag pa ni Romualdez.