Rescue

1K biktima ng bagyo sa Naga tinulungan ng Manila rescue team

Edd Reyes Oct 27, 2024
87 Views

HALOS 1,000 katao ang natulungan ng 14-man rescue team ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) gamit ang mga rescue boats at trucks patungo at paalis sa Naga City.

Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na bukod sa paglilikas, nakapagligtas din sa mga residente ng Naga at San Fernando ang rescue team.

Na-stranded ang mga tinulungan ng lumubog sa tubig-baha ang kanilang mga bahay sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Kristine.

Dinala sa ligtas na lugar upang mapagkalooban ng relief goods at serbisyo ang mga na-stranded, ayon sa alkalde.

Sinabi ni Mayor Lacuna na karamihan sa mga lugar na pinuntahan ng rescue team lubog pa sa hanggang baywang na baha.

Mananatili ang rescue team ng MDRRMO sa Camarines Sur hanggang kailangan pa sila sa rescue efforts.

Nakikipag-ugnayan ang MDRRMO sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang alamin kung saang mga lugar pa ang lubhang kinakailangan ng tulong.

Naglagay din ang MDRRMO ng portable water filtration system sa mga tamang lugar upang may malinis na tubig na maiinom ang mga residente.