Kupit Positibong kinilala ng mga marshall ang dalawang suspek. JONJON C. REYES

2 cashier sa club nahagip ‘pangungupit’ sa CCTV, hinuli

Jon-jon Reyes Oct 25, 2026
14 Views

Kupit1Kupit2Kupit3ITINURN over sa pulisya ng mga marshall ng club ang dalawang bebot na nakuhanan sa CCTV na umano’y nangungupit sa isang club sa Malate, Manila.

Nakilala ang mga suspek na sina alyas “Mia”, 29, tubong Cagayan, walang asawa, cashier, residente ng Cancaster 2, Alapan 2, Imus, Cavite; at alyas “Jenly”, 29, senior cashier, residente ng Loyola Heights, Quezon City.

Batay sa paunang imbestigasyon, napansin ni Caselyn Magbanua, tagapamahala ng club, na pumunta ang isa sa dalawang suspek sa locker room na matatagpuan sa tabi ng lugar kung nasaan ang lugar ng kahera.

Ayon sa mga alituntunin at regulasyon ng club, hindi pinahihintulutan ang mga empleyado na buksan o gamitin ang kani-kanilang mga locker habang sila ay naka-duty.

Kasunod nito, inutusan ni Magbanua si Erwin Reymundo, sa pamamagitan ng radio, na suriin ang CCTV footage upang alamin kung bakit ganun ang ikinilos ng nasabing suspek.

Napansin ni Reymundo na hawak ng suspek ang pulang bagay na kahawig ng kaha ng sigarilyo bago nito binuksan ang kanyang locker. Pagkatapos nito, kumuha siya ng dalawang P100 bill mula sa loob ng kanyang locker at bumalik sa lugar ng kahera.

Iniabot umano ng suspek ang dalawang P100 sa pangalawang suspek na inilagay naman ang pera sa kaha.

Kumuha umano ang ikalawang suspek ng P1,500 at iniabot sa unang suspek.

Batay sa CCTV footage, iinilagay ng unang suspek ang pera sa kanyang locker.

Ayon sa imbestigasyon, nakita ang P1,500 sa loob ng nasabing locker at agad inaresto ang dalawang suspek.

Inihahanda ang kasong paglabag sa Artikulo 310 ng Revised Penal Code o qualified theft laban sa mga suspek sa Manila Prosecutor’s Office para sa inquest proceeding.