Tsino Photo: Bureau of Immigration

2 Chinese nat’ls, nagpanggap na Costa Ricans, ‘di pinaalis sa PH ng BI

Jun I Legaspi Oct 24, 2024
147 Views

NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang Chinese nationals na nagtangkang umalis ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapakilala bilang Costa Rican.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang dalawa na sina Wang Songyi, 54, at Liao Fudi, 50.

Naharang ang dalawa sa NAIA terminal 1 noong Oktubre 19 bago makaalis sakay ng flight ng Philippine Airlines patungong Kuala Lumpur.

Pinuri ng BI chief ang mga opisyal ng BI na responsable sa pagpigil sa pag-alis ng mga Chinese nationals.

Napigilang maka-eskerda ang dalawa matapos mapansin ng mga opisyal ng BI ang mga iregularidad sa mga passport ng Costa Rica na kanilang ipinakita.

Mayroong Philippine immigration arrival stamps ang passports na nakitang peke ng forensic documents laboratory ng BI.

Hindi rin sila marunong magsalita ng Espanyol na wika sa Costa Rica.

Kinalaunan, isinuko ng dalawang pasahero ang kanilang mga Chinese passport na naglalaman ng mga pekeng BI arrival stamps.

Ang mga dayuhan itinurn-over sa mga tauhan ng BI’s border control and intelligence unit (BCIU) at kalaunan dinala sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.