Chinese Ang mga naarestong suspek.

2 dayuhang sangkot sa pamamaril sa Chinese national timbog ng pulisya

Edd Reyes Nov 13, 2024
89 Views

TIMBOG ang dalawang dayuhan na sangkot sa pamamaril at malubhang pagkasugat ng isang Chinese national Miyerkules ng umaga sa Paranaque City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang ang mga nadakip na sina Edwin Nyamboli Suh, 39, isang Cameroonian at Sui Yi Hou, 33, Chinese national, habang nakatakas naman ang dalawa pa nilang kasabuwat na kasalukuyan na ring tinutugis ng pulisya.

Sa tinanggap na ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), alas-7:30 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang pulisya hinggil sa insidente ng pamamaril sa isang residential building sa Brgy. Don Galo na malubhang ikinasugat ng Chinese national na si alyas “Li”.

Sa tulong ng mga security personnel ng gusali, natunton ng pulisya si Li sa pinagdalhang pagamutan at dito niya isiniwalat sa mga tauhan ng Sto. Niño Police Sub-Station ang kinaroroonan ng mga suspek.

Kaagad namang tinungo ng pulisya ang sinasabing tinutuluyan ng mga suspek sa Pasay City at dito nila inabutan ang dalawang dayuhan.

Nakuha ng mga pulis sa ginanap na operasyon ang 15 plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu at ilan pang plastic sachet na may lamang hindi pa tukoy na sangkap, iba’t-ibang uri ng drug paraphernalia at isang kalibre .9mm Glock pistol na may 10 bala sa magazine.

Ayon sa NCRPO, inaalam na ng mga tauhan ng SPD kung may kinalaman sa ilegal na droga ang pamamaril sa Chinese national habang dinala na sa SPD Forensic Unit ang mga nakumpiskang ebidensiya upang isailalim sa chemical analysis.