LTO Source: FB post

2 driver na nag-gitgitan sa Caloocan iimbestigahan

Jun I Legaspi Sep 27, 2024
67 Views

NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) noong Biyernes ng Show Cause Order (SCO) laban sa mga rehistradong may-ari ng dalawang pampasaherong jeep na sangkot ang mga driver sa banggaan na parang dahil sa road rage sa Caloocan.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan ang mga may-ari ng dalawang pampasaherong jeep na tukuyin ang mga drayber ng kanilang mga sasakyan para sa hiwalay na imbestigasyon kung ang kanilang lisensya masususpinde o babawiin.

“Lubhang delikado ang ginawa ng dalawang driver dahil kitang-kita sa video na nag-viral sa social media na may mga pasahero sila nung mangyari ang insidente,” ani Mendoza.

“Hindi natin palalampasin ang mga ganitong asal lalo na ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan dahil hindi lang ang buhay nila ang nilalagay nila sa alanganin kung hindi pati na rin ang kanilang mga pasahero,” dagdag niya.

In-upload ng isang netizen na nakasaksi sa insidente sa Brgy. Bagong Silang na kinasasangkutan ng mga pampasaherong jeep na may mga plakang TVS-273 at TVN-720.

Sa video, makikita ang isang drayber na sinadyang banggain ang likurang bahagi ng isa pang pampasaherong jeep. Dahil sa insidente, napilitan ang mga pasahero na bumaba sa mga sasakyan.

Makikita rin sa video na parehong humarang ang dalawang jeep sa kalsada kaya nag-traffic ang mga motorista.

Sa SCO na nilagdaan ni Renante Militante, hepe ng LTO-Intelligence and Investigation Division, ipinatawag ang mga rehistradong may-ari ng dalawang jeep na humarap sa LTO Central Office sa Quezon City sa October 1 at magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi sila dapat parusahan sa ginawa nila.

Inatasan din ang mga rehistradong may-ari na ipasumite ang kani-kanilang tsuper ng hiwalay na paliwanag para sa tatlong kaso–Reckless Driving (Seksyon 48 ng R.A. 41236), Obstruction of Traffic (Seksyon 54 ng RA 4136) at Improper Person to Operate a Motor Vehicle kaugnay sa insidenteng nabanggit ayon sa Seksyon 27(a) ng R.A. 4136.

“Meanwhile, please be informed that the Plate Nos. TVS-273 and TVN-720 will be temporarily placed under ALARM, preventing any and all transactions while the case is under investigation,” ayon sa SCO.