Drugs

2 drug suspek, estudyante nasakote sa P1.1M na shabu

Edd Reyes Dec 3, 2024
51 Views

MAHIGIT sa P1 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga pulis sa tatlong pinaghihinalaang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang 17-anyos na estudyante, noong Lunes sa Taguig City.

Dakong alas-11:00 ng gabi nang dakpin ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD) sina alyas Jepoy, 30; alyas John Paul, 32; at estudyanteng si alyas Shawn matapos pagbentahan ng shabu na nagkakahalaga ng P50,000 ang pulis na nagpanggap na buyer sa Brgy. Central Bicutan.

Sinabi ni SPD Director P/BGen. Bernard Yang na nakumpiska sa tatlo ang 163 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,108,400, isang kalibre .45, pitong bala, buy-bust money na kinabibilangan ng isang P1,000 genuine bill at 49 na piraso ng P1,000 boodle money at mobile phone na gamit sa ilegal na transaksiyon.

Dinala na sa SPD Forensic Unit ang nakumpiskang shabu para sa chemical analysis at ang baril para sa ballistic examination habang nai-turn over na ng DDEU sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor-de-edad na estudyante para sa wastong disposisyon.

Ayon kay BGen. Yang, sasampahan nila ng mga kaukulang kasong pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga si alyas Jepoy habang pag-iingat ng shabu ang ihahain laban sa dalawang kasabwat niya.