Shabu

2 ‘drug trafficker’ huli, P75M shabu nasabat sa Sorsogon

Alfred Dalizon Aug 23, 2025
357 Views

ARESTADO ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang dalawang hinihinalang big-time na drug trafficker bandang 5:45 ng umaga nitong Sabado matapos mahulihan ng tinatayang 11 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng halos ₱75 milyon sa rehiyon ng Bicol.

Pinangunahan ng mga operatiba mula sa PDEA National Capital Region, Special Enforcement Service at K9 Unit sa ilalim ni Director General, Undersecretary Isagani R. Nerez ang operasyon sa Barangay Caloocan, Matnog, Sorsogon, katuwang ang PNP Highway Patrol Group sa pamumuno ni Brigadier Gen. William M. Segun.

Kinilala ang mga naaresto sa alyas na “Sultan,” 34-anyos na residente ng Carlos Palanca Street, San Miguel, Maynila; at isang “Salima,” 19-anyos mula sa Pualas, Lanao del Sur.

Nasamsam mula sa kanila ang mga vacuum-sealed na plastik na naglalaman ng kabuuang 55,000 gramo ng tinaguriang “poor man’s cocaine” o shabu, na may halagang ₱74.8 milyon. Ang mga pakete ay may label na “Very Good” at may QR codes na naglalaman ng salitang methamphetamine hydrochloride.

Nakuha ang kontrabando at iba pang ebidensya sa loob ng isang puting Toyota Hilux na may plakang NGR 9536 na minamaneho ng mga suspek.

Ang dalawang suspek ay sasampahan ng kasong non-bailable sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa ilegal na transportasyon ng mapanganib na droga.

Ang matagumpay na operasyon ay pinangunahan nina PDEA Intelligence Agent Gladys Cruz, Captain David Esquiros, at Colonel Dave Mejia ng Regional Highway Patrol Unit 5, kasama ang Philippine Coast Guard, PNP Drug Enforcement Group, Maritime Group, Police Regional Office 5 at 22nd Infantry Battalion ng Philippine Army. Sila ay inaasahang pararangalan dahil sa malaking tagumpay laban sa ilegal na droga.