Calendar
Larawan mula sa FB/Bureau of Immigration
2 foreigners na sabit sa child exploitation arestado
INARESTO ng mga ahente ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) noong Mayo 6 at 13 ang Amerikano at Japanese na sangkot sa child exploitation cases sa Cavite at Tarlac.
Ayon kay BI-FSU Chief Rendel Ryan Sy, isang Hapones ang naaresto sa Cavite sa pakikipagtulungan ng Japan National Police Agency at Philippine National Police-Intelligence Group.
Ang 43-anyos na suspek, si Yuto Konno, ay hinahanap ng mga awtoridad sa Japan dahil sa kasong forcible sexual intercourse at indecency laban sa bata.
Batay sa rekord, noong 2018 ay umano’y minolestiya niya ang tatlong menor de-edad sa loob ng toilet sa Hokkaido.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad sa suspek ang ilang electronic devices na pinaniniwalaang naglalaman ng child sexual abuse materials.
Pumasok ang suspek sa Pilipinas noong 2019 bilang temporary visitor at nag-overstay mula pa noong Abril 2022. Siya ay may aktibong blacklist at watchlist orders dahil sa pagiging undesirable at overstaying.
Noong Mayo 13 naman sa Bamban, Tarlac, inaresto ng BI-FSU si “Tony Le,” isang 37-anyos na Amerikanong pugante.
Siya ay wanted sa US dahil sa kasong pag-akit at pamimilit sa isang menor de- edad upang makipagtalik, at paglabag sa federal laws kaugnay ng child sexual exploitation.
Pinagbawalan ang suspek na pumasok sa bansa noong Pebrero 2024 dahil sa derogatory records na may kaugnayan sa child exploitation. Pinaniniwalaang ilegal siyang nakapasok sa Pilipinas.
Ang dalawang pugante ay kasalukuyang nasa kustodiya ng BI Warden Facility habang isinasagawa ang deportation proceedings.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon.
“Mananatiling matatag ang Bureau sa pagtulong sa international law enforcement agencies sa pagtugis sa mga dayuhang sangkot sa krimen laban sa mga bata,” sabi ni Viado.

