Calendar
Inihayag ni NBI Director Jaime Santiago ang pagsalakay sa warehouse ng mga ahente ng NBI sa mga hindi rehistradong vape products sa Cabanatuan City.
2 kelot dinampot sa pagbebenta ng di rehistradong vape products
TIMBOG ang dalawang suspek ng National Bureau of Investigation-Central Luzon Regional Office (NBI-CELRO), sa ilalim ng pangangasiwa ni Director Jaime Santiago, dahil sa pagbebenta ng mga hindi rehistradong vape products na nagkakahalaga ng P10 milyon sa Cabanatuan City noong Martes.
Nakilala ang mga nahuling suspek na sina alyas Jan Marc at Marc Angelo.
Nag-ugat ang operasyon mula sa impormasyon hinggil sa iligal na importasyon at online selling ng mga hindi rehistradong produkto ng vape. Ang mga produkto ipapamahagi ng walang kinakailangang Bureau of Internal Revenue (BIR) stamps at hindi nakarehistro sa Department of Trade and Industry (DTI).
Nagsagawa ang mga ahente ng NBI-CELRO ng surveillance at test buy na tumatarget sa mga natukoy na subjects.
Kinumpirma ng test-buy ang pagbebenta at pamamahagi ng mga vape products na may tatak na “Spark” na may kasamang mga cartridge ng baterya at iba’t-ibang lasa.
Pag-verify sa DTI nagbunyag na ang vape brand na “Spark” ay hindi nakarehistro sa DTI para sa Vaporized Nicotine at Non-Nicotine Products.
Ang dalawang suspek nahuli sa warehouse sa Cantarilla St. malapit sa kanto ng Pergola St., Valdefuente, Cabanatuan City matapos tangkaing magbenta ng dalawa ng ipinagbabawal na vape products sa mga ahente ng NBI-CELRO na nagsilbing poseur-buyer.
Nasa 100 boxes ng vapes na binubuo ng 200 pods at 200 cartridges/baterya bawat isa at dalawang cellphone ang nakumpiska mula sa mga suspek.
Nadiskubre rin na hindi umaayon sa mga packaging requirements na itinakda ng RA 11900 dahil kulang sa mga babala na itinakda ng nasabing batas at kinakailangan ng Department of Health (DOH).
Kakasuhan ang mga nahuli ng paglabag sa RA 11900 na kilala bilang batas sa “Vaporized Nicotine at Non-Nicotine Products.”
Pinuri ni Director Santiago ang NBI-CELRO sa matagumpay na operasyon.
