Pampanga

2 Koreano sisipain sa PH dahil sa iligal online gambling

Bernard Galang Jun 26, 2025
322 Views

DALAWANG wanted na South Korean nationals ang naaresto noong Miyerkules ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group-Region 3 sa Angeles City, Pampanga.

Kinilala ni CIDG 3 Region chief P/Col. Richard Bad-Ang ang dalawang dayuhan na sina Oh Kyoungchul, 42, at Yang Koi Yun, 39.

Nahuli ang dalawa sa operasyon batay sa Interpol Red Notice kaugnay ng warrant of arrest na inisyu laban sa kanila ng Seoul Western District Court dahil sa pago-operate ng ilegal na pasugalan sa South Korea.

Ang dalawang Koreano rin ay may warrant of deportation mula sa Bureau of Immigration dahil sa pagiging pinuno ng isang sindikato na nagbibigay ng mga video sa ilegal na online gambling websites.

Ayon Kay P/Col. Bad-Ang mula Agosto 2016 hanggang Hunyo 2018, umupa ng bahay sa Cebu ang dalawang South Koreans at nag-install ng mga computer, internet system, video recording facility na pinanggagalingan ng mga video sa website operator kung saan kumita sila ng hindi bababa sa 3.5 bilyong Korean won.

Sa pagpapatupad ng warrant of deportation, nadiskubre na ang suspek na si Yang ay may hawak ng isang expired na Subic-Clark working visa at overstaying alien na sa bansa.

Base sa rekord na ibinigay ng Korean National Police Agency, si Yang ay sangkot sa kasong “fraud using computer systems and other related offenses in South Korea” at hindi pag-attend sa korte habang ito ay nililitis.