Binaril

2 lalaki binoga dahil sa alitan sa kalsada

Bernard Galang Jun 7, 2025
413 Views

DALAWANG lalaki ang binaril noong Biyernes sa alitan sa kalsada sa Sta. Maria, Bulacan.

Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jean Fajardo, kinilala ng Bulacan police ang mga biktima na sina alyas Lance Owen, 27, ng Bgy. Caypombo, Santa Maria, Bulacan, at alyas John Derick, 28, ng Bgy. Pulong Buhangin sa Santa Maria.

Sa inisyal na imbestigasyon, sakay ng kotse ang dalawang biktima patungo sa Bgy. Caypombo subalit pagdating sa KM 38, nagkaroon sila ng alitan sa kalsada ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo.

Nang bumababa ang isa sa mga biktima patungo sa mga nakamotorsiklo, biglang bumunot ng .45 baril ang isa sa mga suspek at nagpapaputok at tinamaan ang dalawang biktima, saka mabilis na tumakas patungo sa Bgy. Caypombo.

Isinugod ang mga biktima sa Rogaciano Memorial Medical Hospital at kalaunan ay inilipat sa Bulacan Medical Hospital ng mga rumespondeng miyembro ng Pulong Buhangin Rescue team.

Humiling ang pulisya ng flash alarm para magsagawa ng dragnet operation para madakip ang dalawang suspek.