LTO

2 namemeke ng papels ng sasakyan nakorner sa QC

Jun I Legaspi Nov 16, 2024
39 Views

LTO1NAARESTO ng mga ahente ng Land Transportation Office (LTO) ang dalawang suspek sa paggawa ng pekeng dokumento ng sasakyan sa Brgy. Pinyahan, Quezon City noong Biyernes.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, bunsod ang operasyon ng kumpirmadong intelligence reports kaugnay ng talamak na paggawa at pag-imprenta ng pekeng Official Receipts (OR) at Certificate of Registration (CR) ng mga sasakyan.

Naaresto ang dalawa sa unang palapag ng Prima Building, East Avenue corner Magalang St., Brgy. Pinyahan bandang alas-4:30 ng hapon.

Kinilala ang dalawa na sina Cherry Ann Imperial, 36, at Crispolo Hermida, 54.

Nakuha mula sa kanila ang marked money na ginamit sa entrapment, pekeng OR/CR, laptop, printer, at mobile phone.

Ayon kay Assec Mendoza, lumabas sa kanilang nakuhang impormasyon na si Hermida ang nagpapatakbo ng ilegal na operasyon malapit sa LTO Central Office sa Quezon City.

“Ang dokumentong nakuha ng aming ahente peke kaya agad kaming nakipag-ugnayan sa QCPD tungkol dito na nagresulta sa matagumpay na operasyon,” pahayag ni Mendoza.

Dinala ang mga suspek sa tanggapan ng CIDG sa Camp Karingal at nahaharap sa iba’t-ibang kasong kriminal habang nagsasagawa ng follow-up laban sa kanilang mga kasabwat.

“Hayaan ninyong maging babala ito sa mga fixer at iba pang tao na kumikita gamit ang pekeng dokumento ng LTO, pati na rin sa mga gumagawa at nagbebenta ng pekeng plaka ng sasakyan na hindi kami titigil hangga’t hindi kayo napapanagot sa batas,” dagdag niya.