Quad1 Sinasagot ng mga Quad Committee resource persons mula sa Bureau of Corrections na sina Fernando Magdadaro and Leopoldo Untalan Tan,Jr. ang mga tanong ng mga miyembro ng Kamara sa Quad Committee Hearing sa People’s Center sa Kamara de Representantes. Kuha ni VER NOVENO

2 preso iniugnay Duterte sa pagpatay sa 3 Tsinong ‘drug lords’ sa Davao prison

65 Views

QuadDALAWANG preso ang humarap sa pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes at iniugnay si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagpatay umano sa tatlong hinihinalang Chinese drug lord sa loob ng maximum security facility ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) sa Davao del Norte noong 2016.

Sina Leopoldo Tan Jr. at Fernando “Andy” Magdadaro ay tumestigo at nagsumite ng affidavit sa pagdinig ng komite na tumatalakay sa isyu ng extrajudicial killings (EJKs) sa implementasyon ng war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.

Ayon sa dalawa, si dating Pangulong Duterte umano ang nag-utos upang patayin ang tatlong Chinese nationls, dalawa sa kanila ay hinatulan dahil sa operasyon ng drug laboratory sa Parañaque City.

Sa kanilang sinumpaang salaysay, idinetalye nina Tan at Magdadaro kung papaano sila umano kinontak ng mga opisyal ng otoridad at inatasan na pumatay sa tatlong Chinese kapalit ng pera.

Ayon kay Tan, habang binubuno ang kanyang sintensya noong Hulyo 2016 kaugnay ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act No. 9165 ay kinontak siya ng kanyang high school classmate na nakatalaga sa PNP-CIDG-11 sa Davao City at kanyang opisyal sa regional CIDG-11, at isa pa umanong opisyal.

Ayon kay Tan sinabihan siya ng kanyang kaibigan na “May ipapatrabaho ako sa iyo at may basbas sa taas. Baka matulungan ka rin namin na makalaya, kakausapin namin ang presidente.”

Sinabihan umano siya na isang manok ang bayad kada Chinese na kanilang papatayin.

“Sa pagkakaintindi at pagkakaalam, ang isang manok ay isang milyon,” sabi ni Tan sa kanyang affidavit.

Tinanggap umano ni Tan ang trabaho dahil naniniwala ito na tutuparin ang pangako sa kanila na babayaran at tutulungan na makalaya.

“Nagpakita sa akin ng isang papel na naglalaman ng iba’t-ibang pangalan ng 32 na Chinese druglords na naka piit sa ibat-ibang kolonya,” sabi ni Tan.

Ang ikatlong drug lord ay inilipat sa kanilang kulungan kinagabihan.

“Sinabihan ako na maghanap ako ng kasama ko para sa pagtrabaho sa tatlong Chinese drug lords,” wika pa ni Tan.

Kinausap umano ni Tan si Magdadaro upang kanyang makasama sa gagawing pagpatay.

“Si Andy ay kaibigan ko at alam ko na isa siyang ‘trabahante’ (taga-katay o killer),” sabi ni Tan.

Nagtanong-tanong umano si Tan at nalaman na ang mga ipinapapatay sa kanila ay nasa “foreign ward” kaya mahihirapan sila na makalapit sa mga ito upang maisagawa ang pagpatay.

Sinabihan umano sila na sila ay ikukulong kasama ang tatlo.

Ipinasok umano sina Tan at Magdadaro sa cell No. 6 matapos na makuhanan ng sachet ng shabu at dinala roon ang tatlong Chinese.

Ayon kay Tan, sinaksak nito at si Magdadaro ang tatlong Chinese noong Agosto 13, 2016 gamit ang korta at bente nuwebe (balisong).

“Noong August 13, 2016 ng gabi, pinag-sasaksak namin ‘yung tatlong Chinese drug lords,” pag-amin ni Tan.

Ayon kay Tan siya ang pumatay kay isang biktima at si Magdadaro naman ang tumira sa dalawa pang iba.

Matapos ang pagpatay, ipinatapon umano sa kanila ang mga patalim.

Ang sinumpaang salaysay naman ni Magdadaro ay katulad ng pahayag ni Tan.

Matapos ang pagpatay, sinabi ni Tan na nakatanggap ng tawag ang isa nilang kausap na opisyla at pinuri umano ng kanyang kausap dahil sa pagpatay sa tatlo.

“Pagkatapos ng tawag, sabi (ng opisyal) sa mga kasamahan niya doon, ‘tumawag si Presidente, nag-congrats sa akin.”

Dalawang araw makalipas ang pagpatay, sinabihan kami na “Nandito na ang reward ninyo na tig-isang milyon, saan ko to ibibigay.”

Ipinabigay umano ni Magdadaro ang kanyang P1 milyon sa kanyang misis.

Sinabi ni Tan na naalala niya na P3 milyon ang dapat na bayad para sa tatlong Chinese nationals pero inisip na lang na madali lang naman ang trabaho at ang importante ay ang pangako na tutulungan silang makalaya.

“Naisip ko na ang usapan namin ay isang milyon kada ulo, kaya kulang ang reward na matatanggap ng mga asawa namin,” sabi ni Tan.

Bumisita umano ang misis ni Tan at ang misis ni Magdadaro at kanilang nakumpirma na nakuha na ang tig-P1 milyon.

Kapwa nagpahayag ng galit at pagkadismaya ang dalawang preso dahil hindi umano tinupad ang pangako na sila ay tutulungang makalaya.

“Pagkatapos noon, hinintay namin ‘yung pinangakong paglaya namin pero hanggang ngayon kami pa rin ay nasa loob ng kulungan,” sabi ni Magdadaro sa sworn statement nito.

“Naghintay kami sa pangakong iyon. Hanggang natapos ang administration, hindi kami tinulungan na lumabas,” dagdag pa niya.

Pinilit umano sila na aminin ang pagpatay sa tatlong Chinese at nakasuhan mh homicide at nadagdagan ang kanilang kailangang bunuing hatol.

“Ang lahat ng sinabi ko sa salaysay na ito ay pawang katotohanan lamang at walang sino man ang nagturo o nag-impluwensiya at alam ko rin na maaaring gamitin laban o pabor sa akin,” sabi ni Tan sa kanyang affidavit.

Ginawa ni Tan ang kanyang sworn statement noong Agosto 21 sa Baguio City kung saan ito nakakulong. Ninotaryo ito ni Atty. Jocelyn Runes Bulwayan.

Humarap ang dalawa sa pagdinig ng quad committee na nagiimbestiga sa kaugnayan ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO, bentahan ng ipinagbabawal na gamot at EJKs sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.