Calendar
2 puganteng Taiwanese, 2 iba pa dinampot ng BI
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na palakasin ang seguridad sa mga hangganan ng bansa at paigtingin ang kooperasyon ng mga ahensya para sa pambansang seguridad, inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Taiwanese nationals dahil sa iligal na pagpasok sa Pilipinas, dalawa sa kanila ay mga pugante na hinahanap sa Taiwan kaugnay ng kasong may kinalaman sa droga.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng BI Intelligence Division sa pamumuno ni Joel Anthony Viado, batay sa ulat ng intelihensiya at sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Noong Hunyo 12, nagsagawa ng enforcement operation ang mga operatiba ng BI, katuwang ang PCG, sa isang yate na nakadaong sa Island A, Reclamation Area, Lungsod ng Pasay. Dito ay naaresto ang mga Taiwanese nationals na sina Hung Pin Sheng (39), Weng Pai Chen (21), Chen Chin Chih (22), at Liang Chia Hua (35).
Kumpirmado ng mga awtoridad na pawang Taiwanese nationals ang apat. Lumabas sa rekord na sina Hung Pin Sheng at Liang Chia Hua ay may naunang kasong kriminal sa Taiwan, habang sina Weng Pai Chen at Chen Chin Chih ay may kasong droga at hinahanap ng Taiwan Kaohsiung District Court at Taiwan District Prosecutors Office.
Kasabay ng kanilang pagkakaaresto, iniimbestigahan din ang apat dahil sa paglabag sa batas ng imigrasyon ng Pilipinas, kabilang ang iligal na pagpasok, pagiging pugante mula sa hustisya, at pagtatago ng mga iligal na dayuhan. Sila ay kasalukuyang nakadetine sa BI Warden’s Facility sa Bicutan, Taguig City habang isinasagawa ang deportation proceedings.
Muling tiniyak ni Viado ang matibay na paninindigan ng BI na hindi gawing kanlungan ang Pilipinas ng mga dayuhang pugante at transnational criminals.
“Ang operasyong ito ay patunay ng matatag na paninindigan ng BI na ipatupad ang batas sa imigrasyon at protektahan ang ating mga hangganan. Ang mga dayuhan na nag-aakalang magagamit ang Pilipinas bilang ligtas na kanlungan mula sa kaso sa kanilang bansa ay nagkakamali. Patuloy kaming makikipagtulungan sa aming mga katuwang na ahensya upang hanapin, arestuhin, at ipadeport ang mga hindi kanais-nais na dayuhan na nagdudulot ng banta sa kaligtasan ng publiko at pambansang seguridad,” ani Viado.

