Calendar

2 sa ‘bodyguard’ ni Paolo Dutere dinisarmahan; 4 iniimbestigahan
APAT na diumano’y ‘bodyguards ni Davao City Representative Paolo Duterte ang iniimbestigahan na sa ngayon dahil sa kanilang ‘moonlighting activities’ at higit sa lahat, ang kanilang umano’y hindi pag-awat sa mambabatas na anak ni dating Presidente Rodrigo R. Dutete habang sinasaktan diumano ang isang lalake sa loob ng isang bar sa siyudad.
Dalawa sa apat ay mga miyembro ng Davao City Police Office na may mga ranggong Police Executive Master Sergeant and Police Staff Sergeant.
Ang dalawa ay disarmahan na ni Davao City police chief, Colonel Hansel M. Marantan matapos matuklasang sila ay ‘nag-mu-moonlight’ na bodyguards ng batang Duterte na naghahanggad na mahalal muli sa puwesto sa Mayo 12.
Natuklasan na pagkatapos ng kanilang duty, ang dalawa ay nagsa-sideline na bodyguards ng mambabatas sa kabila na ito ay mahigpit na ipinagbabawal ng Pambansang Pulisya.
Ang dalawa ay nakilala ng kanilang mga kasamahan na dalawa sa apat na diumano’y ‘bodyguards’ ni Rep. Duterte na walang ginawang aksiyon habang diumano’y sinasampal, tinatadyakan at sinusuntok ng mambabatas ang isang lalake sa loob ng isang bar.
Ang dalawang iba pa ay pinaniniwalaang mga miyembro ng Philippine Air Force. Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa liderato ng PAF para maimbestigahan din ang dalawa.
Nagalit ang pamunuan ng PNP sa dalawang Davao City policemen matapos na makita sila sa viral video na walang ginagawa habang inuupakan ang biktima.
Ang dalawa ay nahaharap sa mga kasong administratibo kabilang ang grave misconduct at obstruction of justice. Sila din ay inakusahan na nag-utos umano sa bar management na patayin ang CCTV recorder ng establisimiyento matapos mapansin nil ana ito ay umaandar.
Ayon sa mga sources ng Journal Group, si Rep. Duterte ay may karapatang mag-avail ng maximum na dalawang bodyguards mula sa Police Security and Protection Group ngunit hindi niya ito ginawa.
Kung sakali namang may PSPG bodyguards siya, dapat din siyang makakuha ng exemption papers mula sa Commission on Elections Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel sa kabuuan ng election period na nagsimula noong Enero 12 at magtatapos sa Hunyo 11.
Noong Linggo, nilinaw ng PNP na wala sa kanilang kustodiya ang anumang CCTV footage na umano’y may kaugnayan sa nangyaring gulo sa isang bar sa Davao City na kinasasangkutan ni Rep. Duterte.
Mariin ding itinanggi ng PNP ang anumang kaugnayan sa pagkalat ng affidavit ng complainant na lumabas na rin sa social media at iba pang platforms. “Hindi ito galing sa PNP, at wala kaming opisyal na papel sa pagpapalaganap ng nasabing dokumento,” ayon sa PNP statement.
“Iginagalang ng PNP ang proseso ng batas. Sa ngayon, ang kaso ay opisyal nang naisampa sa Department of Justice, kaya kung may mga katanungan tungkol sa nilalaman ng reklamo, dapat po itong idulog sa kanilang tanggapan,” dagdag pa nito.
“Bilang bahagi ng aming mandato, handa ang PNP na makipag-ugnayan kung ito ay pormal na hihilingin ng mga kinauukulang ahensya. Ngunit, hinihikayat namin ang publiko na mag-ingat sa pag-share ng impormasyon online, lalo na kung ito ay hindi pa validated o kumpirmado ng mga otoridad,” sinabi ng Pambansang Pulisya.
“Mananatiling tapat ang PNP sa kanyang tungkulin itaguyod ang patas na hustisya at pagsunod sa batas—anumang personalidad o estado sa buhay ang sangkot,” ayon sa pahayag ng PNP.