Calendar
2 sugatan sa pananaksak sa Valenzuela
MALUBHANG nasugatan ang dalawang biktima ng pananaksak sa Valenzuela City noong Biyernes.
Nadakip ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang suspek na si alyas Mark Anthony habang isinugod sa Valenzuela Medical Center ang biktimang si Mico Ladisla, 24, na milagrong nabuhay sa kabila ng mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Dinala rin sa ospital si alyas Julie Ann, 24, na nasugatan sa braso at kamay nang tinangkang awatin ang suspek sa pananaksak.
Nangyari ang pananaksak sa bahay ni alyas Julie Ann sa Blk. 6 Bldg. 2 Unit 108 Disiplina Village ng mabisto ng suspek na nasa loob ng bahay ng dati niyang kalive-in ang biktima.
Kumatok umano ng pintuan ng unit ng dating kinakasama ang suspek at nagulat nang ang magbukas ng pintuan si Ladisla na sa pagkataranta ay kaagad isinara at ni-lock ang pinto.
Dito na pinuwersa ni alyas Mark Anthony na buksan ang pintuan at nang makapasok, nagsuntukan sila ng biktima hanggang makadampot ng patalim ang suspek at inundayan ng sunod-sunod na saksak ang biktima.
Tinangka namang umawat ng babae kaya’t nagkaroon ng pagkakataon si Ladisla na makatakbong palabas at humingi ng tulong sa nagpapatrulyang barangay tanod.
Ayon kay Col. Cayaban, sinampahan nila ng kasong frustrated homicide at attempted homicide sa piskalya ng Valenzuela City ang suspek na nakapiit ngayon sa custodial facility ng Valenzuela police.