Sunog

2 sunog sumiklab sa QC; bata, lola dedo

30 Views

ISANG tatlong anyos na bata at 69-anyos na lola sa magkahiwalay na sunog sa Quezon City.

Ayon kay Quezon City Fire District (QCFD) Marshal Fire Senior Supt. Flor-ian Guerrero, bandang 9:03 ng umaga (Enero 27) nang magsimula ang sunog sa No. 808 Old Balara, Quezon City.

Unang iniulat na nawawala ang matanda subalit nang maapula ang apoy bandang alas-10:49 ng umaga ay natagpuan ang sunog na bangkay nito sa loob ng natupok na bahay.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagpasya ang biktima na bumalik sa loob ng nasusunog na bahay bagamat pinipigilan ito ng kanyang mga kaanak.

Nagpumiglas ang matanda dahil may nais umano siyang balikan sa nasusunog nilang tahanan, hanggang sa hindi na ito makalabas pa.

Nagtamo naman si Rolly Guiruela, 40, ng second degree burn sa kaliwang balikat.

Samantala,nasawi ang isang tatlong taong gulang na batang babae matapos hindi makalabas sa nasusunog na bahay sa Everlasting Street sa Barangay Payatas A, Quezon City nitong Linggo.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), tumagal ng halos tatlumpung minuto ang sunog bago ito tuluyang naapula.

Tupok na tupok ang tatlong kwarto sa ikalawang palapag ng bahay.

Sa paghupa ng apoy, doon tumambad ang bangkay ng bata.

Kuwento ng tiyahin, dumalaw ang bata roon para makita ang tatay at iba pang kaanak.

Matagal na raw hiwalay ang mga magulang ng bata at sa nanay siya nakatira.

Ayon naman sa lola, inaya pa raw niyang pumunta sa sari-sari store ang apo.

Hindi niya lubos akalain na ‘yon na pala ang huling beses na sila’y magkikita.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng dalawang sunog.