Quezon City Police District

2 suspek sa nakaw dedo sa QC shootout

546 Views

DEAD on the spot ang dalawang suspek sa pagnanakaw matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) Linggo ng madaling araw sa Quezon City.

Ayon sa pahayag ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa pamumuno ni PMaj. Loreto Tigno, ang pagkakakilanlan lamang ng mga napatay na suspek ay isang 30-35 taong gulang, may tangkad na 5’4”, nakasuot ng puting t-shirt, pulang shorts, black gray na sumbrero, itim na face mask, samantalang ang isa ay 35-40 taong gulang, may tangkad na 5’2”, nakasuot ng pula’t itim na sando, brown na short, itim na sombrero at tsinelas.

Batay sa report ng QCPD-CIDU, nagpapatrolya ang mga operatiba ng QCPD-CIDU sa pangunguna ni PMaj. Rene Balmaceda dakong 12:10 ng madaling araw ika-20 ng Pebrero 2022 sa kahabaan ng Araneta Ave. corner G Roxas Sr. Brgy. Manresa, Quezon City, nang lumapit ang biktima na kinilalang si Andrea Madrigal at humingi ng tulong dahil siya ay nahold-up umano ng mga di kilalang suspek na tumakas patungong Araneta Ave. sakay ng isang trycicle.

Agad rumesponde ang mga pulis at naharang ang mga suspek na tugma sa deskrispyon na sinabi ng biktima. Ngunit sa halip na sumuko, kinuha nila ang kanilang mga baril at pinaputukan ang mga pulis kung kaya’t ang mga pulis ay gumanti ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang suspek.

Nakuha ng QCPD Forensic Team sa pinangyarihan ng insidente ang isang revolver na may dalawang fired cartridge cases, isang Magnum 357 Smith and Wesson revolver na may dalawang fired cartridge cases, apat na misfired na bala, dalawang bala, at 18 pakete ng shabu.