Calendar
Source: HPG file photo
2 suspek sa ‘rent tangay’ arestado sa Malolos City
DALAWANG suspek ang naaresto ng mga pulis noong Biyernes dahil sa “rent-tangay scheme” sa Malolos City, Bulacan.
Sa ulat kay Police Regional Office (PRO)-3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., nakilala ang dalawang suspek na sina alyas Ross, 49; at Mar, 52.
Ayon sa complainant na si Eduardo Fidel, 33, hindi ibinalik ng mga suspek ang kanyang itim na Toyota Vios (NKD 2458) matapos niyang paupahan mula Hunyo 29 hanggang Hulyo 3.
Noong Hulyo 2 bandang alas-10:00 ng gabi nalaman niyang tinanggal ang GPS device na naka-install sa kanyang sasakyan.
Tinangka ng complainant na bawiin ang sasakyan mula sa mga suspek ngunit nabigo ang mga itong maibalik kaya humingi siya ng tulong sa pulisya.
Nang dumating ang mga rumespondeng pulis sa tirahan ng mga suspek, tinangka nilang tumakas pero nahuli sa MacArthur Highway sa Brgy. Guinhawa, Malolos.

