Calendar
2 Taiwanese nationals laglag sa online scam
INARESTO ng mga awtoridad ang dalawang Taiwanese national—sina You-De Zeng at Hou-Lin Pan—sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Lunes dahil sa umano’y ilegal na pagrerecruit ng 5 Pilipino para sa mga online scam hub.
Tiklo ang dalawa sa combined operations ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC), Bureau of Immigration’s I-PROBES, Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at NAIA Task Force Against Trafficking (NAIATFAT).
Nailigtas ang limang biktima—tatlong lalaki at dalawang babae—na na-recruit upang magtrabaho sa Cambodia bilang “customer service representatives” na may ipinangakong buwanang sahod na $800 hanggang $1,000. Natuklasan ng mga imbestigador na ang naturang trabaho ay hindi totoo at bahagi ng mga operasyon ng cyberfraud na laganap sa Timog-Silangang Asya.
Pinuri ni Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac ang mga ahensya kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang proteksyon ng mga Pilipino laban sa mga sindikato ng human trafficking.
“Ang pag-aresto sa mga ilegal na recruiter at human trafficker ay malinaw na mensahe ng ating matatag na paninindigan upang protektahan ang ating mga kababayan laban sa pagsasamantala,” ani Cacdac. “Hindi kami titigil sa pagtugis sa mga recruiter na umaabuso sa kahinaan ng ating mga mamamayan.”
Nahaharap ang mga suspek sa kasong ilegal na pagrerecruit at human trafficking sa ilalim ng Migrant Workers and Overseas Filipinos Act at Anti-Trafficking in Persons Act.
Ayon sa DMW at OWWA, tinutulungan na nila ang mga nailigtas na biktima na naakit sa pamamagitan ng social media at messaging platforms.
“Ang kasong ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagbabantay at pagtutulungan ng mga ahensya upang mapanatiling ligtas ang mga Pilipino,” ayon sa DMW.

