Calendar
2 tirador ng mga fastfood chains tiklo
CAMP OLIVAS, San Fernando, Pampanga — Arestado noong Linggo sa Caloocan City ang dalawang suspek na sangkot umano sa mga nakawan sa mga fast food chain sa Bulacan at Pampanga.
Nahuli ang mga suspek ng mga miyembro ng Police Regional Office 3 (PRO-3) kasunod ng pagnanakaw noong Linggo sa mga fast food branch sa Bustos at Santa Maria, Bulacan.
Unang natunton ng mga awtoridad ang getaway vehicle ng mga suspek at sumunod ang pinagtataguan sa Caloocan.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang Toyota Avanza, dalawang plaka (NIQ 9065 at NIF 4547), isang .38 kalibreng revolver, P10,000 cash, P13,000 barya at iba’t-ibang gamit sa krimen.
Pinuri ni PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr. ang mga pulis sa pagtiklo sa mga suspek.
“Ipinapakita ng mabilis na operasyong ito kung paano nagbubunga ng resulta ang maayos na koordinasyon, pokus, at dedikasyon,” sabi ni Peñones.
Naghahanda na ang mga awtoridad sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga suspek.
