Baril

2 Tsino, 2 Vietnames nat’ls inaresto dahil sa malakas na kalibre ng baril sa Makati

Edd Reyes Sep 14, 2024
142 Views

DALAWANG Vietnamese nationals at dalawang Chinese nationals ang inaresto ng mga pulis noong Huwebes dahil sa pag-iingat ng malalakas na kalibre ng baril sa Makati City.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Makati police hinggil sa ilegal na aktibidad at pag-iingat ng matataas na kalibre ng armas ng Vietnamese nationals na sina Kaiyong Zhou, 28, at kasamang babae na si Phuong To Chau, 30, sa 8th floor ng Roxas Residence Tower II sa Dasmariñas condo.

Sinabi ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete na nag-apply ng search warrant ang mga tauhan ng IDMS nang mag-positibo ang nakuhang impormasyon. Galing kay Makati Regional Trial Court (RTC) 1st Vice Executive Judge Cristina F. Javalera-Sulit ng Branch 140 ang search warrant.

Dakong alas-6:00 ng gabi nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Makati Police IDMS at Special Weapon and Tactics (SWAT) team ang condominium unit ng mga dayuhan dala ang search warrant.

Bukod sa dalawang Vietnamese, dinatnan din ng pulisya sa condominium ang mga Chinese nationals na sina Li Shusong, 33, at Zhang Xiao Bo, 22.

Nakumpiska ng mga pulis ang dalawang light weapon rifle na may magazine, isang pistola na may magazine, ilang mga bala at bag na kinalalagyan ng mga armas.

“This operation is a clear reflection of the National Capital Region Police Office (NCRPO’s) unwavering commitment to protecting the people of Metro Manila from all forms of criminal activity.

Our officers acted swiftly and decisively, ensuring that those responsible for illegal activities are brought to justice,” pahayag ni P/Maj. Gen Jose Melencio Nartatez, hepe ng NCRPO.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang mga dayuhan sa Makati City Prosecutor’s Office.