Calendar
2 wanted arestado nang kumuha ng police clearance
MAGKASUNOD na inaresto ng pulisya ang dalawang kelot na parehong may nakabimbing kaso sa magkahiwalay na hukuman sa mga Lungsod ng Quezon at Mandaluyong, Martes ng hapon sa Malabon City.
Dinakip ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan si alyas “Marc” 27, residente ng Brgy. Longos dakong alas-5:30 ng hapon habang kumukuha ng police clearance sa Malabon Police Station bunga ng nakabimbing warrant of arrest dahil sa kasong paglabag sa umiiral na ordinansa sa Quezon City.
Inilabas ni Quezon City Metropolitan Trial Court (MTC) Executive Judge Juvenal Noriega Bella ng Branch 36 ang warrant of arrest laban kay Marc noong Enero 16, 2024 sa kasong paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act matapos mahuling nagtatapon ng basura sa hindi tamang lugar.
Nauna rito’y inaresto rin habang kumukha ng police clearance dakong alas-4:30 ng hapon si alyas “Ronnie”, 36 ng Brgy. Tonsuya bunga ng inilabas na warrant of arrest ni Mandaluyong MTC Presiding Judge Ruth S. Pasion-Ramos ng Branch 99 na may petsang Hulyo 17, 2020 dahil sa paglabag sa umiiral na City Ordinance 694 sa Mandaluyong City na “Riding in Tandem”.
Ayon kay Col. Baybayan, parehong may inilaang piyansa na P3,000.00 ang magkahiwalay na hukuman para sa pansamantalang paglaya ng dalawang akusado.