Nakaw

21-anyos na kawatan bagsak sa kulungan sa ninenok ng P1.3M kagamitan

Edd Reyes Oct 3, 2026
65 Views

NADAKIP ng pulisya ang 21-anyos na kawatan nang mabisto ang ginagawang pagnanakaw sa malaking bahay sa loob ng isang compound noong Biyernes ng gabi sa Valenzuela City.

Mismong ang 65-anyos na lolo ang nakakita kay alyas “Buboy” habang kinukuha ang mamahalin niyang mga alahas sa loob ng walk-in closet na nasa tabi lang ng kanyang silid dakong alas-11:00 ng gabi, matapos siyang magising sa ingay na nilikha ng pagbubukas ng door-knob.

Sa pangamba sa kanyang buhay, hindi ginambala ng biktima ang suspek at sa halip ay tinawagan ang anak sa kabilang bahay sa loob ng compound na kaagad nakahingi ng tulong sa nagpapatrulyang tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento.

Nang matunugan ng suspek ang pagdating ng mga pulis, tinangka niyang tumakas paakyat sa ika-apat na palapag ng bahay at lumabas sa bukas na sliding window na kanyang pinasukan bago umakyat sa bubong kung saan tuluyan siyang nadakip.

Nakuha sa suspek ang isang walang serial number na kalibre .22 magnum revolver na kargado ng bala habang nabawi sa loob ng kanyang sling bag ang Rolex watch na nagkakahalaga ng P400,000, Charriol watch na P100,000 ang halaga at P800,000 halaga ng assorted na alahas na pag-aari ng biktima.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang kapulisan sa mabilis na pagkakadakip sa suspek na mahaharap sa reklamong Robbery with Force Upon Things at paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition laban sa naarestong suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.