Burol Ang burol ni Private Charlie Patigayon sa Kolambogan, Lanao del Norte. Larawan mula sa Army

21 sundalo sibak matapos bagong recruit natigok

382 Views

COTABATO CITY – Dalawampu’t isang sundalo, kabilang ang isang commander ng kompanya ng Army, mula sa 6th Infantry Battalion na nakabase sa Maguindanao del Sur, ang sinibak sa kanilang puwesto kasunod ng pagkamatay ng isang bagong rekrut sa gitna ng isinagawang “reception rites.”

Si Private Charlie Patigayon, 22 taong gulang na rekrut mula sa Kolambugan, Lanao del Norte, ay namatay habang sumasailalim sa reception rites sa headquarters ng 6th Infantry Battalion (6IB) sa Datu Piang, Maguindanao del Sur noong Hulyo 30.

Sa isang pahayag noong Lunes, sinabi ng 6th Infantry Division (6ID) ng Army: “Ang mga reception rites, na matagal nang isinasagawa bilang tradisyon sa pagtanggap ng mga bagong miyembro ng komunidad ng militar, ay dapat isagawa nang may pinakamataas na pagsasaalang-alang sa kalusugan at kaligtasan ng mga sundalo.”

Dagdag pa nito, dapat ay nasa loob ng itinakdang patakaran at regulasyon ng militar ang mga aktibidad na ito.

“Anumang paglabag na maaaring maglagay sa kapakanan ng mga sundalo sa panganib ay dapat patawan ng kaukulang disiplina,” ayon pa sa 6ID.

Ayon kay Lt. Col. Roden Orbon, tagapagsalita ng 6ID, sa isang panayam sa radyo, ang 21 sundalo, kabilang ang commander ng kompanya at ang kanyang executive officer, ay pansamantalang inalis sa puwesto at pinanatili sa loob ng kampo ng batalyon habang isinasagawa ang imbestigasyon. Layunin ng kautusang ito na masiguro ang patas na imbestigasyon ukol sa pagkamatay ni Patigayon.

Ayon sa ulat, si Patigayon at iba pang bagong sundalo ay tinatanggap ng mga nakatataas na opisyal ng Army sa kampo ng 6IB nang bigla siyang himatayin. Agad siyang dinala sa ospital ng kanyang mga kasamahan.

Batay sa ulat medikal ng Army, sinabi ni Orbon na ang sanhi ng pagkamatay ni Patigayon ay kidney failure o pagpalya ng bato.

Inatasan ni 6ID commander Maj. Gen. Donald M. Gumiran ang isang malalimang imbestigasyon upang matukoy kung may naganap na hazing o pagmamalupit na maaaring naging sanhi ng pagkamatay ng batang sundalo.

Tiniyak ng 6ID na umiiral ang polisiya ng zero tolerance laban sa anumang gawain na maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng mga sundalo.

Nauna nang humiling ng tulong sa Army ang pamilya ni Patigayon sa Kolambugan upang magsagawa ng patas at masusing imbestigasyon. PNA