NHA

219 pamilya natulungan sa Housing Caravan: Asensong Ramdam

Jun I Legaspi Oct 5, 2024
81 Views

SINUPORTAHAN ng National Housing Authority (NHA) ang House Committee on Housing and Urban Development sa “Housing Caravan: Asensong Ramdam” sa Covered Court Phase 2, San Jose del Monte Heights, Brgy. Muzon East, San Jose del Monte, Bulacan.

May kabuuang 219 na pamilya ng benepisyaryo mula sa NHA housing projects Towerville Phase 6 at San Jose del Monte Heights ang nakinabang sa caravan.

Ang mga isyu na may kaugnayan sa estate management, panukalang programa sa kondonasyon, pagbabayad ng amortisasyon, pagpaparehistro ng asosasyon at eleksyon ng mga lider at kakulangan ng suplay ng tubig ang tinugunan ng NHA sa caravan.

“Ang NHA handa tugunan ang mga pangangailangan ninyo. Handa kami na mag meet halfway sa inyo para maresolba ang mga problema ukol sa bill, delinquency interests, demand notices at iba pa,” ani NHA assistant general manager Alvin Feliciano.

Isang inisyatiba ng Committee on Housing and Urban Development na pinamumunuan ni Rep. Florida P. Robes, ang caravan naglalayong bigyang kalinawan ang iba’t-ibang alalahanin sa pabahay ng mga benepisyaryo.

Samantala, naggawad naman ng pabahay ang NHA sa 75 pamilyang naapektuhan ng lindol noong 2019 sa Brgy. Libertad, Arakan, Cotabato.

Sa ilalim ng gabay ni NHA General Manager Joeben A. Tai, natulungan magkabahay ang mga kasapi sa Tribong Manobo-Tinananon.

Ang mga iginawad na bahay bahagi ng 151-unit housing project na nagkakahalaga ng P49,709,500 para sa mga pamilyang biktima ng lindol sa Arakan.

Inaasahang matatapos sa susunod na buwan ang mga natitirang unit tulad ng 33 na matatagpuan sa Sitio Lomunday at 43 sa Sitio Mambino, Brgy. Ganatan.