PWD Source: File photo

24-anyos na lalaki huli sa aktong ginagahasa PWD,51; timbog

Edd Reyes Sep 7, 2024
15 Views

HULI sa aktong ginagahasa ng kelot ang 51-anyos na babaeng person with disability (PWD) na kanyang kapitbahay, Biyernes ng madaling araw sa Valenzuela City.

Hubo’t hubad at nakapatong pa ang 24-anyos na si alyas “Wen” sa biktima na matagal ng nakaratay sa banig ng karamdaman nang abutan ng mga nagrespondeng barangay tanod dakong alas-2 ng madaling araw.

Sa isinumiteng ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakita ng kapitbahay na testigo ang palihim na pagpasok ng suspek sa bahay ng biktima sa Barangay Bignay at sa pag-aakalang may planong pagnakawan ang bedridden na PWD ay kaagad siyang humingi ng tulong sa mga barangay tanod sa kanilang lugar.

Nang pasukin ng mga tanod ang bahay, laking gulat nila nang maabutan ang mahalay na eksena kaya’t kaagad silang humingi ng tulong sa pulisya matapos takpan ng kumot ang wala na ring saplot na katawan ng babaeng PWD.

Nang magresponde ang mga tauhan ng Police Substation-7 ng Valenzuela police, inaresto kaagad nila si alyas Wen at dinala sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD).

Ayon kay Cayaban, nakipagugnayan kaagad si P/Lt. Learni Albis, ang hepe ng WCPD, sa medico legal ng Camp Crame upang isailalim sa medical examination ang PWD at lumabas sa pagsusuri na positibo siyang ginahasa.

Iprinisinta na ng pulisya ang suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings kaugnay sa kasong panggagahasa na isasampa laban sa kanya.